August 05, 2025 – Isang gabing tahamik, malamig, at bilog ang buwan, nakahiga ako sa matigas na banig, yakap-yakap ang aking lumang unan habang nakabalot sa mainit na kumot. Natanaw ko rin ang aking karpinterong ama at labanderang ina, namamahinga matapos ang isang nakakapagod na araw.
Tok! Tok! Tok!
Tatlong katok sa pinto ang bumuhay sa pagod kong katawan. Napatalon ako sa gulat sapagkat ‘di ako sanay na mayroon kaming bisita.
“Ma, may kumakatok,” wika ko sa’king ina na may ‘di pa kalaliman ang tulog.
Tumambad sa’min ang tatlong kalalakihan na nakasibilyan. Hindi pamilyar ang kanilang mga mukha, pero kami’y lakas-loob na nakipag-usap sa kanila.
“Sino po sila? Ano po ang kailangan,” tanong ng aking ina habang nagtataka kung ano ang nangyayari.
“Mga pulis po kami,” nagulat kami sa aming narinig.
“Nasaan si Eduardo Perez (ang aking ama),” dagdag nila.
Ginising ko ang aking ama. Ramdam ko ang panghihina at panginginig ng aking boses habang tinatapik ang pagod niyang katawan dahil noong mga panahong iyon, uso ang tokhang.
“Pa, may naghahanap sa’yo,” sambit ko.
Matapos ang mahabang pag-uusap, sumang-ayong sumama ang aking ama sa mga pulis. Sa kanilang pag-alis, tumingin ako sa mga mata ng aking ama na wari’y nangungusap ng “anak, patawad.”
Patakbo akong bumalik sa’king higaan, patuloy sa pagbuhos ang aking luha, sapagkat nasaksihan ko kung papaano unti-unting gumuguho ang haligi ng aming tahanan at kung papaano unti-unting napupundi ang ilaw ang aming tahanan.
Masasabi kong, ito ang pinaka-bangungot ng buhay ko. Sa ilalim ng madilim at payak na gabi, umaalingawngaw sa aking isipan ang tunog ng tatlong katok na marahil ay magbabago sa aming buhay.
Nang pumutok ang liwanag, habang naglalakad kasama ang aking ina papunta sa paradahan ng jeep, winika niya, “Anak, tumigil ka na muna [sa pag-aaral]. ‘Di natin kaya.”
Natahimik ako dahil malaki ang pagnanais kong makapagtapos, sapagkat ayokong tumulad kay ina na 3rd year high school at kay ama na elementary lang ang natapos.
Habang nakasakay sa jeep, naaalala ko ang mga karanasan ko noong elementarya hanggang senior high school ako. Pumapasok ako nang walang baon, walang laman ang sikmura, tanging bitbit lang ang pag-asa na magbabago rin ang buhay namin.

Pero kahit nahihirapan ako noon, nag-uwi pa rin ako ng mga medalya at sertipiko. Nakikita ko ang resulta ng aking sakripisyo. Kinaya ko noon, kakayanin ko pa rin ngayon, kahit may kulang, wala man si ama para sumuporta, pero may mataas ako na pangarap—na makatapos ng pag-aaral at ang maging guro.
Sa pakikibaka ko sa kolehiyo, naranasan ko ang iba’t-ibang bagay. Bagamat kasama na namin muli ang ama, mahirap pa rin ang buhay. Nanghihingi ako ng barya, nakikisalo sa binalot, at umuutang sa mga kaskwela. Kung pakapalan siguro ng mukha, ako na! Itabi n’yo! Sapagkat ‘di nagiging sapat ang 200 pisong kita sa paglalabada ni ina. Sapat lang ‘to sa pagkain namin sa maghapon.
Sa kalagitnaan ng pagtitiis, isang mensahe ang ang aking natanggap.
“Ervin, magpasa ka raw ng registration form sa Guidance Office,” sambit ng aking classmate.
“Para saan,” tugon ko.
“For scholarship purposes daw para sa mga member ng 4Ps.”
Nagningning ang aking mga mata at agad akong nagpasa. Naging bahagi ako ng isang Scholarship Program (CHED-TES), nakakuha ako ng allowance na sapat sa’king pag-aaral at nabili ko ang mga bagay na kailangan ko. Hindi naging problema sa’kin ang pagbili ng libro, uniporme, kagamitan sa pagpasok, at cellphone na touch screen. Nasanay rin kasi ako sa de-pindot na cellphone.
Sinuportahan ako ng programang ito sa loob ng apat na taon ng pag-aaral ng kolehiyo.
Tok! Tok! Tok!
Parehong katok na narinig ko noon, pero katok naman ito ngayon ng tagumpay, katok ng pagbabago, at katok ng oportunidad.
Ngayon, ako’y graduate na ng Bachelor of Secondary Education Major in English, LET passer, at isang guro sa pribadong paaralan. Kumukuha rin ako ng Master’s Degree sa Laguna State Polytechnic University.
Marami man kaming pagsubok na kinaharap ipinagmamalaki kong ako’y anak ng mga magulang na ginawa ang lahat para suportahan ang aking mga pangarap.
Sa panahon ngayon, minsan ay napapatanong din ako, “Kung ‘di kaya kami naging bahagi ng 4Ps, mararating ko kaya kung nasaan man ako ngayon?”
Walang nakakaalam, pero isang bagay ang sigurado ako. Naging tulay ang putlang kamay ng ina kong labandera, ang banat na katawan ng karpintero kong ama, at ang benepisyong ibinibigay ng 4Ps kung bakit ko natatamasa ang tagumpay.
***
Story written by Ervinly DC. Perez, 26, a former child-beneficiary of the Pantawid Pamilyang Pilipino Program from Brgy. San Roque, Victoria, Laguna, as part of his participation in the Story Writing Workshop for 4Ps Child-Beneficiaries facilitated by DSWD Field Office IV-A last June 5-7, 2025 in Tagaytay City. This workshop provided an opportunity to child-beneficiaries of the program to communicate how the 4Ps helped in shaping and achieving the dreams of children and families through the years.
Ervinly is a licensed professional teacher and is a private school teacher. He is also finishing his Master’s Degree at the Laguna State Polytechnic University.