Pauwi na ako mula sa trabaho, pagod, at tila ba gusto ko nang matulog. Pero may isang bagay na pilit pa ring bumabagabag sa kalooban ko. Kakaibang kalungkutan na parang gusto ng langit na sumaklob sa buo kong ulo, nabubuo at nagbabalik-tanaw kasi ang mga pangyayari sa buhay ko. Sa pag-apak ng aking isang paa sa bukana ng aming tahanan, nakita ko ang apat na sulok nito, at dito unti-unting pumasok sa aking alaala ang mga bagay na hindi ko malilimutan.
Sa murang edad ko, kasa-kasama ako ng aking ina sa paglalaba para matugunan ang aming pangangailangan. Ang aking ama ay isang panadero na sa bawat pagmamasang kanyang ginagawa, bawat pawis, at pagod na kanyang nararanasan ay hindi siya sumuko para lang magkaroon ng laman ang aming mga sikmura. Ngunit hindi pa rin sapat ang kanilang kita.
“Hirap mag-isip ng makakain. Ano ang mabibili nito? Sapat lang ito sa pambayad sa utang,” wika ng aking ina habang hawak ang kakarampot na kita para pagkasyahin ng aming pamilya.
Problema, problema, at problema. Iyan ang paulit ulit na bagay na lagi kong nakikita sa aming buhay.
Naalala ko noon, kapag ang langit ay nagalit, ang luha nito ay lampasan sa aming tahanan (bumabaha). Kasabay ng lakas ng ulan ay ang sigaw ng aking ina na “sahuran niyo ng balde, baka mabasa ang inyong mga gamit.” Kapag hindi humupa ang ulan, magmimistulang lawa sa kawalan ang paligid ng aming tahanan.
Bukod sa bubong, araw-araw ring problema ang baon naming limang magkakapatid. Hindi madali ang buhay lalo na at marami kaming nangangailangan. Sa murang edad ko, hindi nawala sa sarili ko ang mainggit at magtanong sa antas ng buhay na nakikita ko sa iba: bagong uniporme, sapatos, bag, at iba pa. Samantalang ako, plastic envelope ang karaniwang dala-dala. Napapasabi sa aking sarili “hanggang dito na lang ba kami?”
Kaakibat ng pagiging kapos ay utang, pinansyal man o utang na loob.
“Marites, makaabala nga, maaari mo bang ipaliwanag sa akin itong asignatura ng aking anak. Ingles kasi, hindi ko lang mabatid ang gagawin,” wika ng aking ina.
Isa ito sa karanasan na hindi ko malilimutan. Kailangan pa niyang ipasalin sa Tagalog ang aming mga takdang aralin para malaman kung ano ang ibig sabihin at ano ang dapat niyang gawin. Isang alaala na tingin ng aking nanay ay siya ay mababa ang kalidad ng karunungan.
Habang pinapabasa kami ng ABAKADA, lagi niyang sinasabi na kailangan naming magsikap upang ‘di kami maging mangmang, at hindi namin maranasan ang kanyang kalagayan. Ang aking papa naman ay mahilig magbasa na siyang nagdudulot ng aming ugnayan. Ang bawat aral na sa akin ay itinuro ay tumatak sa aking isipan. Sa bawat bansa na kanyang sinasambit na nilalaman ng Almanac, umusbong ang tatag ng aking kalooban para sumubok sa bagong kakayahan.
Doon sa aming balay sa k’warto, kung saan ako nagbabasa at tinuturuan, nabuo ang aking pangarap–pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at makatulong sa buhay.
Dumating ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa aming tahanan. Ang ilaw na dala ng aking ina ay mas naging matingkad pa. Grade 5 ako noon, at nabigyan ako ng inspirasyong pumasok sa esk’wela. Ganun din ang dalawa ko pang kapatid na kasali sa programang ito.
Sinong hindi gaganahang pumasok na may mga bagong gamit: bag, ballpen, at papel. Bagong gamit na hindi na bigay ng aking tita, kundi bili ng magulang namin galing sa benepisyo. Meron pang baon na kahit hindi ganoon kalaki ay may nakakain kami tuwing recess.
Naging katuwang ang benepisyo sa sahod ni papa at kinikita ni mama sa paghihilot pambili ng aming pangangailangan. Naging maayos ang takbo ng aming pamumuhay katuwang ang programa, kahit may konting kakapusan ay hindi na gaanong mabigat.
Ang FDS [Family Development Session] ay nakatulong sa aking mama na magbigay ng mas maliwanag na ilaw, naturuan ng tamang pag-budget ng pera at mas napayabong ang kanyang pagiging mas mabuting ina. Namulat siya sa makamundong problema, nakapagbibigay siya sa amin ng paalala, nararamdaman ang aming hinaing bilang kabataan, at nakakasama sa gala. Sobrang saya at liwanag ng aming kaisipan. Hindi lang si mama, pati kaming mga anak ay nagkaroon ng mga bagong kaalaman dahil sa seminars at training na binibigay nila.
Dumating sa punto na nawala ang aking ama. Napilay ang haligi ng tahanan at nawalan ako ng kasangga sa mga gawain ko. Biglaan ang kanyang pagpanaw. Akala namin na simpleng sakit ay malala na pala.
Kasabay ng pagpanaw ng aking ama ay pag-graduate namin sa 4Ps pero tinanggap namin ito nang buong-buo. Naging maluwag para sa amin ang pag-graduate sa programa dahil ako ay graduating na rin sa kolehiyo noong panahon na iyon.
Sa tulong ng isang Non Government Organization, ako ay naging full time scholar habang ako ay nasa kolehiyo. Kung kaya’t nakapagtapos na ako ng aking pag-aaral sa kursong Bachelor of Science in Agribusiness Management and Entrepreneurship, Cum Laude at Leadership Awardee.
Ang aking ate, ay graduate ng vocational course. Ang pang-apat naming kapatid ay naka graduate ng Senior High at ang bunso ay incoming Senior High School.
Sa ngayon, unti-unti na kaming nakakatulong sa aming mama, naibibigay na rin ang ibang pangangailangan. Nakakabili na ng gamit na gusto ko lang dati, at nakakapagbigay na rin ng suporta sa mga bunso namin. Hindi na si mama nag-aalinlangan sa Ingles, bagkus kami na mismo ang nagpapaliwanag.
Hindi pa man perpekto ang buhay, ang makaalis sa kadena ng kamangmangan ay isang malaking tagumpay para sa amin.
Ako ngayon ay nagtatrabaho na, at nangangarap pa rin sa mas maunlad na kinabukasan. Tulad na lamang ng pangarap na mas maisaayos pa ang aming tahanan–ang balay kung saan ako nangarap at saan ako sinubok ng panahon.
Para sa akin at sa aming pamilya, ang pagbabago mula sa maliit naming bahay ay simbolo ng aming pag-asenso. Ngunit gaano man ito magbago, ang aming bahay na ito ay siya pa ring magsisilbi naming kandungan at magbubuklod sa amin hanggang sa huli.
Sa mga katulad namin, huwag kayong mapagod sa pag-abot ng pangarap ninyo. Pagsikapan niyo na paunlarin ang sariling kasanayan at kahusayan.#
***
Story written by Benjo Trespalacioreal, 23, a former child-beneficiary of the Pantawid Pamilyang Pilipino Program from Gumaca, Quezon, as part of his participation in the Story Writing Workshop for 4Ps Graduates facilitated by DSWD Field Office IV-A last June 19-21, 2024 in Tagaytay City. This workshop provided an opportunity to child-beneficiaries of the program to communicate how the 4Ps help shape and achieve the dreams of children and families through the years.
Benjo currently works as a loan officer in a private company in Infanta, Quezon.
NOTE: The DSWD FIELD OFFICE IV-A has been given consent by the subject-writer to post and / or publish the story. Any rewriting or repackaging and reposting / republication of the story without proper citation are considered UNETHICAL and FRAUDULENT. Such actions may be dealt with accordingly by the office.