Dahil sa hirap ng buhay at maagang pagkawala ng kanilang ama, karamihan sa mga nakatatandang kapatid ni Melanie Lotino ay hindi na nakapagpatuloy sa kolehiyo. Bagamat maraming pagkakataon na hinamon ang kanyang pagpapatuloy sa kolehiyo, hindi n’ya sinukuan ang kanyang pangarap.
Ayon kay Melanie, naging malaking bahagi ang pagiging batang-benepisyaryo ng 4Ps sa kanyang determinasyon na makapagtapos sa kolehiyo. Sa kanyang mga dinaluhang youth development sessions, ipinamulat sa kanya na ang 4Ps ay hindi lamang tulong-pinansyal ang hatid kundi ang pagpapaigting ng kagustuhang mangarap at makamit ito dahil alam niyang maraming oportunidad ang maaaring sumuporta sa kanya.
Noong 2023, nagtapos ng AB in Psychology na Cum Laude si Melanie sa Southern Luzon State University sa Lucban, Quezon. Ngayon ay isa na rin siyang Registered Psychometrician.
Isa si Melanie sa 23 dating batang-benepisyaryo ng 4Ps sa CALABARZON na nakapasa sa Licensure Examination for Psychometricians noong Agosto 2024. [with reports from RMJael]