Sabi sa isang awitin, libre lang mangarap. Pero bakit tila may bahid ng pagkakait? Hindi rin naman daw ito madamot. Ngunit, hindi rin ito naibibigay sa lahat. Malawak daw ito, ngunit, nililimitahan ang batang hindi pinili ang kaniyang magiging buhay.

Ikalawa ako sa apat na magkakapatid na anak nina Nanay Beng at Tatay Kiko. Payak ang pamumuhay namin sa isang maliit na barangay sa Lucban sa probinsya ng Quezon. Simula pagkabata ay nakikitira na kami sa simpleng bahay ng aming Lola Teling (ina ng aking Nanay). Noon, ang aking nanay ay nasa bahay lamang na siyang nag-aalaga sa amin, samantalang ang aking tatay ay nakikipagsapalaran sa siyudad ng Maynila bilang isang mananahi.

Dalawa pa lamang kami noon ng kuya ko nang naranasan ko ang kaunting sarap ng buhay. Palibhasa mga bata, laro’t puro saya lamang ang nararamdaman noon. Dumaraing na lamang kapag nagugutom na. Umiiyak kapag hindi naibibigay ang laruang gusto. Masaya na sa pasalubong na isang lata ng biskuwit na dala-dala ni Tatay tuwing umuuwi ng Lucban isang beses sa isang buwan. Makalipas pa ang ilang taon, dumagdag sa aming pamilya ang dalawa ko pang nakababatang kapatid.

Tumuntong ako sa elementarya na punong-puno na ng pangarap. Naaalala ko, pangarap ko noong maging doktor. Pinangarap ko nga ring maging pari. Nagtapos ako sa elementarya nang may karangalan at nadala ko ito hanggang sa high school. Tatlo na kaming magkakapatid ang nag-aaral. Mula sa aming bahay, inaabot ng isang oras ang aming b’yahe sa araw-araw na pagpasok sa paaralan. Kinakailangan naming abangan tuwing alas-singko ng umaga ang b’yahe ng jeep na papuntang Sta. Cruz, Laguna o ang AH Bus para makamura sa pamasahe. Ang sixty pesos na baon ang kailangang pagkasyahin sa maghapon. Dito ako nagsimula na mamulat na mas mahirap na ang estado ng aming pamilya.

Nagbago na ang lahat. Sa puntong ito, kapag ako’y dumaraing, kailangan nang tiisin muna dahil wala na ring maihahain na pagkain sa mesa. Hindi na rin ako makaiyak kapag hindi naibibigay ang laruang gusto ko kasi nakita ko nang bumaha ang luha ng aking ina sa pag-iisip kung paano na ang gastusin sa kinabukasan.

May mga pagkakataong din na walang laman ang sikmura na papasok sa school. Kailangan pang mangutang ni nanay para lang may maipambaon kami. Naging kaliwa’t kanan na rin ang pinapasok na trabaho nina nanay at tatay para matustusan ang aming pangangailangan. Si nanay ay pinasok ang paglalabandera, katulong, at ang pag-aalaga ng bata ng aming kalapit-bahay. Si tatay naman, bukod sa pananahi, ay namamaupa na sa sakahan, nagniniyog, at kung ano pang maaaring pagkakitaan.

Hindi naging madali. Patong-patong na problema na ang kinakaharap: pinans’yal, emosyonal, at relasyon ng isa’t isa sa pamilya. Dito mas nagningas ang pagnanais ko na kailangang ang mga pangarap ko’y hindi dapat manatiling pangarap na lamang. Dito mas lumalim ang relasyon namin sa Panginoon. Alam kong mabuti Siya at may plano para sa amin.

Ang simpleng pagpapatuloy ni nanay sa mga nagbabahay-bahay noon, ang pagsagot niya sa mga katanungan nila ay nagbunga ng magandang balita makalipas ang ilang linggo. Marahil ito na ang plano Niya para sa amin.

Taong 2014, naging benep isyaryo ang aming pamilya ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps). Labis ang kagalakan ng aking nanay noon sapagkat alam niyang kahit papaano ay may pandagdag panustos na sa mga kailangan namin sa araw-araw. May pambili na kami ng mga gamit sa esk’welahan, pandagdag baon, at panggastos sa bayarin sa paaralan. Ngunit, hindi rito natatapos ang magandang adhikain ng programang 4Ps. Regular na dumadalo si nanay sa Family Development Session (FDS) at katu-katulong niya ako sa pagsasagot sa isang booklet na naglalaman ng iba’t ibang usapin tungkol sa pagiging babae, isang magulang, sa pamilya, at sa lipunang ginagalawan. Dito nahubog ang aming pamilya upang maging isang epektibong beneficiary ng 4Ps.

Naalala ko noon, minsang nakasama ko rin ang mga kapwa ko batang 4Ps sa Youth Development Session (YDS).

“Isulat ninyo sa ibinigay naming papel na hugis paa ang inyong pangalan at ang inyong pangarap sa inyong paglaki,” sabi ng aming facilitator ng session na iyon. Makalipas ng ilang sandal, narinig sa k’wento ng mga kasapi na batang 4Ps ang iba’t iba nilang pangarap. Ito ang nagparanas (nagmulat) na kami’y pwedeng (sa akin na) mangarap (nang may kasama). Narinig ko rin ang iba’t ibang kuwento ng buhay nila, kuwento ng pakikipagsapalaran, at kuwento ng pamilya.

Dahil sa session na iyon, naging pursigido at magaan ang aking buhay sa high school. Kahit noong ako’y kolehiyo na, ang karanasang iyon ang nagtulak pa rin sa akin para pagbutihin ang ang aking pag-aaral at abutin ang pangarap. Para sa akin, malaking sandata ang pagiging 4Ps upang makapag-aral sa Southern Luzon State University na naging daan upang malapit sa katotohanan ang aking pangarap. Patunay na ang programa ay binuo upang hubugin at hikayatin kami na maging isang mabuti, mulat, at holistikong miyembro ng pamilya at mamamayan.

Sa kasalukuyan, patuloy na katuwang ng aming pamilya ang 4Ps sa pang-araw-araw na buhay. Ngunit patuloy pa rin ang kaliwa’t kanang pagtatrabaho ng aming mga magulang. Hindi sila huminto at napagod sa pagpapaaral sa amin.

Ang kanilang patuloy na pagpupursige ay isang patunay na hindi lahat ng benepisyaryo ng 4Ps ay umaasa o naghihintay na lamang sa buwanang tulong pinansyal. Sinamahan namin ito ng sipag, tiyaga, at diskarte upang maabot ang aming pangarap na magkaroon ng mas mabuting buhay.

Ang dating batang 4Ps ay isa na ring aktibong lider-kabataan hindi lamang sa bayan ng Lucban kung hindi sa buong sa lalawigan ng Quezon maliban sa pagiging isang Sangguniang Kabataan Chairperson sa aming Barangay. Nakapagtapos na rin ako sa kolehiyo sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in Filipino bilang Magna Cum Laude at tumanggap ng Leadership Excellence Award at isa nang lisensyadong guro matapos pumasa sa Licensure Examination for Teachers noong Marso 2024.

Oo, tumugma ang pangarap na isinulat ko noon sa papel na hugis paa sa realidad ko at ng aking pamilya ngayon. Nawa’y ang ibang batang 4Ps ay maranasan at makamit din ang kanilang pangarap para sa sarili at sa pamilya. Dahil ang totoo, ang pangarap, bagamat walang halaga at hindi natin matitiyak kung hanggang saan tayo kayang dalahin, ay ang nagtutulak sa atin tungo sa mas mabuting bukas.


Story written by Jimuel A. Peñero, 23, a former child-beneficiary of the Pantawid Pamilyang Pilipino Program from Lucban, Quezon, as part of his participation in the Story Writing Workshop for 4Ps Graduates facilitated by DSWD Field Office IV-A last June 19-21, 2024 in Tagaytay City. This workshop provided an opportunity to child-beneficiaries of the program to communicate how the 4Ps help shape and achieve the dreams of children and families through the years.

Jimuel is a newly-licensed professional teacher and is currently serving as a Sangguniang Kabataan Chairperson in their barangay.

NOTE: The DSWD FIELD OFFICE IV-A has been given consent by the subject-writer to post and / or publish the story. Any rewriting or repackaging and reposting / republication of the story without proper citation are considered UNETHICAL and FRAUDULENT. Such actions may be dealt with accordingly by the office. – August 17, 2024.