Ginagawa niyang araw ang gabi.

“Gaano ba katatag o katapang ang aking nanay?” Minsan ko itong naitanong sa aking sarili sa murang edad na may bubot na kaisipan.

Hindi sapat ang sampung daliri sa kamay, kahit pa ang mga darili sa paa.

Mahirap, nakapapagod at nakababalisa pero wala akong nakitang bakas ng pagsuko sa kanyang mga mata sa kabila ng kayang pag-iisa dahil isang taong gulang pa lang ako nang nawala ang haligi ng aming tahanan. Mag-isa n’yang itinataguyod kaming limang magkakapatid.

Tunay na mahirap makipagdigmaan sa mundo ng kahirapan. May isang pangyayari ang hindi ko malilimutan sa aming buhay. Isang umaga habang natutulog ako sa aming barong-barong na bahay na singlaki lamang ng ordinaryong kuwarto ay nagising ako hindi dahil sa tilaok ng manok kundi dahil sa masasakit na salitang binitiwan ng maniningil ng utang ng nanay ko.

“Molina, kapag hindi ka makakabayad ng utang mo ngayong araw, ipapatawag na kita sa barangay,” ang malakas at galit na galit na sigaw ng maniningil ng utang ng aking nanay.

Agad na pinakiusapan ng aking ina na kung p’wedeng lumayo sila mula sa aming tahanan upang hindi namin marinig ang maaaring pag-usapan.

Oo, utangera si Ate Molens (ang tawag nila sa nanay ko) ngunit taas-noo kami kahit kanino sapagkat dito kami nabubuhay noon. Pero hindi ibig sabihin nito ay wala na kaming dignidad at respetong makukuha mula sa taong inutangan ng nanay ko o sa kahit kanino.

Lahat ng tao ay may utang, pero ang nanay ko, umuutang para magkaroon kami ng magandang kinabukasan. Handa s’yang magbayad ng utang, hindi niya ito tatakbuhan. Ngunit sadyang may mga pagkakataong hindi siya nakakapagbayad sa takdang araw sapagkat mas inuuna niya ang aming pangangailangan.

Mahirap kumita ng pera. Aaminin ko, hindi kinsenas-katapusan ang sahod ng aking ina pero marangal ang kanyang hanapbuhay. Marangal ang pagiging tindera, labandera, at kasambahay. Ilan lamang ito sa mga trabahong pinasukan ni nanay. Para sa akin, tumpak na tumpak ang katagang “kayod-kalabaw” ang nanay ko para magkaroon lamang kami ng pagkain sa hapag-kainan.

Gayunpaman, matapang si nanay at wala sa kanyang bokabularyo ang pagsuko kahit elementarya lamang ang kanyang natapos. Lahat ng oportunidad ay hindi niya pinapalagpas kahit nahihirapan siyang magtala ng mga impormasyong kailangan sa mga dokumento. Hindi siya nahihiyang magtanong kapag hindi niya alam ang itatala sa mga impormasyong hinihingi. Minsan may tumutulong at may mga pagkakataong ang iba ay nagbibingi-bingihan.

Naalala kong muli kung paano at ilang beses nagsumite at pumila si nanay para mapabilang sa mga maaaring maging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ako at ang bunso kong kapatid na sanggol ang kanyang kasama sa pag-aasikaso ng mga papel na kailangan niyang ipasa. Lakad dito, lakad doon, pila rito at pila roon. Muli kong uulitin, hindi siya sumuko katulad kung paano siya naging matatag noong namatay ang aking ama.

Ilang buwan ang lumipas, natanggap ang aking pamilya bilang benepisyaryo ng 4Ps. Nang malaman ito ng aking ina, lubos ang kanyang kasiyahan sapagkat sa pagkakataong ito, may tutulong na sa kanya para makamit ang pangarap ng kanyang mga anak—ang makapagtapos ng pag-aaral.

Hindi sapat na sabihing kami ay mapalad na naging miyembro ng programang ito kundi mas akmang pinagpala kami sa biyayang ito. Malaki ang naging kontribusyon ng 4Ps sa aming buhay, hindi lamang sa aspetong pinansyal gayundin sa holistikong aspeto na mas nakatulong upang maging produktibo kaming mamamayan ng aming komunidad na kinabibilangan.

Pag-agapay sa aking edukasyon

Tuwing sasapit ang buwan ng Hunyo, palaging tolero ang aking ina kung saang bulsa dudukot ng pambili ng gamit sa esk’welahan. Pero simula nang mapabilang kami bilang benepisyaryo ng 4Ps, malaki ang naging kaluwagan nito sa aking ina.

Tuwing papasok ako sa esk’welahan noon, mayroon na akong sariling papel na magagamit tuwing may ipapagawa ang aking guro. Nakapagbabayad na rin kami ng mga bayarin sa esk’welahan. Tunay na malaki ang naging kontribusyon nito sa aking pag-aaral. Isa rin ito sa naging inspirasyon ko para ipagtuloy ang buhay tulad ng hindi pagsuko ng aking ina sa pagkayod araw-araw at huwag manatiling mangmang sa ating lipunan.

Nang hindi pa kami miyembro ng 4Ps, naranasan kong gumamit ng kanin bilang pandikit, magsulat ng mga takdang-aralin gamit ang bunsol, at umiyak dahil walang pambiling proyekto. Pero noong naging benepisyaryo kami ng 4Ps, ang kanin na pandikit ay napalitan ng Elmer’s glue, ang bunsol ay napalitan ng ilaw na de-kuryente, at nakabili ng mga kinakailangang materyales para proyekto.

Tunay na malaki ang naging tulong ng 4Ps sa aking pag-aaral simula sa sekundarya at maging nang makatuntong ako sa kolehiyo. Naalala ko, isa sa mga dokumentong ipinasa ko noong kukuha ako ng entrance exam sa Southern Luzon State University ay sertipiko na nagpapatunay na ako ay isang benepisyaryo ng 4Ps. Isang dukomentong may malaking ginampanan upang tuluyan kong maipinta ang aking mga pangarap.

Dagdag na kaalaman para kay nanay

Malaki rin ang naging tulong ng mga programang inilusad ng 4Ps tulad ng Family Development Sessions (FDS) na humubog sa kaalaman at kakayahan ng aking ina. Isa sa binigyang-pokus nito ang pagpapaunlad ng kaalaman tungkol sa impormasyong may kaugnayan sa pamilya, sa lipunan at si nanay bilang isang babae.

Sa katunayan, palaging dumadalo ang aking ina sa nabanggit na gawain ng 4Ps. Hindi maitatatwa na kailangan nilang dumalo rito upang hindi mabawasan ang benepisyong kanilang makukuha ngunit hindi natin maitatanggi na nagbibigay ito ng mas malawak na kaalaman.

Naalala ko, ikinuwento niya ang tungkol sa karapatang dapat na tinatamasa ng isang bata. Maaaring sa iba, nakakatawa o hindi kapani-paniwala pero saksi ang aking dalawang tainga kung paano niya ito binahagi sa bunso kong kapatid.

Dagdag pa, mas maraming natutunan ang aking ina sa pamamagitan ng FDS—mga kaalaman na hindi niya natutunan sa esk’welahan sapagkat hindi siya nakatuntong sa sekundarya. Ilan sa mga ito ay ang tungkol sa mga batas at paano pahahalagahan ang pamilya.

Gayundin, hindi ako maghuhugas kamay katulad ni Pilato, aaminin ko noong hindi pa kami miyembro ng 4Ps ay hindi kami aktibo sa mga gawaing pangkomunidad sapagkat mas inuuna ng aking ina ang kanyang trabaho. Ngunit nang maging benepisyaryo kami ng naturang programa, tinuruan kami nito na maging produktibo at magkaroon ng pakialam sa lipunan katulad ng paglilinis sa kalsada, paglilinis sa simbahan at pagdalo sa mga gawain sa pampaaralan kagaya ng Brigada Eskwela.

Ilan lamang ito sa naging epekto at pagbabagong naganap sa aming buhay. Ngayon, kapag may nagtatanong sa aking nanay ng “Kumusta na Molina,” ang kanyang laging tinutugon na may kasamang ngiti sa kanyang mga labi ay “Nakaahon kami, buti at natanggap kami sa 4Ps. Malaking tulong para sa akin.”

Sa kasalukuyan, ang dating batang 4Ps na nagmula sa pulo ng Perez na may pinipintang pangarap ay unti-unti nang nakakamit sa tulong at gabay na binigay ng naturang programa at pagsusumikap ng aking ina.

Nakapagtapos ako ng pag-aaral na Cum Laude sa kursong Batsilyer sa Pansekundaryang Edukasyon Medyor sa Filipino. Ako rin ang kaunahan-unahan sa aming pamilya na nakapagtapos ng kolehiyo. Naging ganap na guro na rin ako nang pumasa ako sa Licensure Examination for Teachers noong Marso 2024.

Pero hindi pa rito natatapos ang pangarap ni nanay Molina para sa amin. Tuloy pa rin ang pangarap na magkaroon ng maayos na kalagayan sa lipunan, maging bungalow ang dating barong-barong na bahay, at hindi na mangutang sa ibang tao sapagkat mayroon na kaming sapat trabaho na may kinsenas-katapusan na sahod.

Tuwing uuwi ako sa isla, madalas niyang sinasabi sa amin na “Sayang at hindi nakita ng inyong ama na nakapagtapos kayo ng pag-aaral pero paniguradong masaya ‘yun sa langit”.

Ngayon, nasagot ko na ang aking tanong kung gaano ba katatag o katapang ang nanay ko.

Katulad siya ni Darna ngunit walang kapangyarihan pero kayang gawin ang lahat para sa kanyang mga anak. At sa puntong ito, hindi na niya kailangan gawing gabi ang umaga.

***This story is written by John Mike Siorez, a former 4Ps monitored child from Perez, Quezon, as part of his participation in the DSWD Field Office IV-A’s Salaysay ng Buhay ng Pamilyang Pantawid 2023. [Original copy written last July 2023 and updated as of May 30, 2024]