Sama-sama sa hirap at ginhawa
Sa basura kami nagsimula—bakal, bote, yero at kung anu-ano pa.
Bagamat dito kami kumukuha ng ikabubuhay, naging simula rin ito ng mga problema sa aming pamilya.
Nariyang napuwing ng yero si Renato, ang aking asawa, na naging sanhi ng paglabo ng kanyang mata. Naging tampulan din ito ng tukso o pambu-bully sa aking mga anak, lalo na ang aking anak na si Hanna.
Ngunit sino ang mag-aakala na ang pamilyang dating tinutuksong ‘mabaho’ ay unti-unting aasenso, nagiging modelo ng pagsasamahan, at nagiging sandigan (hindi man sa pinansyal) ng komunidad na aming ginagalawan?
Ako si Criselda B. Cada, isang katutubong Mangyan mula sa Mulanay, Quezon. Sa edad na siyam ay nawalay na ako sa puder ng aking mga magulang at namasukan bilang katulong dito sa bayan ng Lucban. Dito ko na rin nakilala si Renato, isang magsasaka, at mula rin sa isang mahirap na pamilya.
Dahil sa hirap ng buhay, nagdesisyon kaming mag-asawa na tatlo lamang ang maging anak. Ngunit kahit pala kakaunti ang mga anak ay talagang mahirap pa rin. May mga pagkakataong hindi kami makabayad ng kuryente at tubig sa aming inuupuhan kung kaya’t madalas kaming napapalayas. Nagpalipat-lipat kami ng bahay hanggang sa napadpad kami sa Brgy. Igang.
Dito kami nagtayo ng bahay kubo na anahaw ang bubong at pinagtabasan ng niyog ang dingding. Sa maliit na bahay kubo na ito namin binuo at pinagtibay ang aming pamilya para sa pangarap na mas mabuting bukas para sa aming tatlong anak.
Dahil sa hirap ng buhay, minarapat kong tulungan ang aking asawa sa paghahanapbuhay gaya ng pamamaupa, paglalako at paglalabada. Napasok na rin kami sa pamumulot ng bote at bakal.
Sa mga hirap na aming pinagdaanan, lumaking independent ang aking mga anak dahil magmula ng bata pa lang ay hindi sila palahingi, bagkus ay laking gulat ko na ang aking mga anak ay lumaking masinop, masipag at madiskarte sa buhay. Maaga namin silang minulat hindi lamang sa pagtulong sa gawaing bahay kundi na rin sa aming hanapbuhay katulad ng pagsasaka, paninimot ng mga bote, pag-aani ng palay, at pagtatanim ng mga gulay.
Kung kaya’t ang pagbabasura, maging ang pagsasaka, ay naging mga gawain naming pampamilya. Madumi man para sa iba, ngunit sa mga gawaing ito naging matibay ang aming pamilya.
Pagpapaunlad ng aming pamilya
Taong 2012 nang maging benepisyaryo kami ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Katulad sa ibang pamilyang-benepisyaryo, malaki ang naitulong ng natatanggap naming cash grants sa pangangailangan ng aming mga anak, lalung-lalo na sa kanilang pagpasok sa paaralan.
Nariyang naibibili na namin sila ng mga bagong damit, na malaki ang naging tulong upang tumaas ang kumpiyansa sa sarili ng aking mga anak.
Ngunit kung aking babalikan, higit ang aming pasasalamat sa kung paano binago ng 4Ps ang aming mga pananaw at gawi.
“Tumalino ako dahil sa 4Ps,” ito ang madalas kong ikinukuwento tuwing natatanong ako kung paano ako natulungan ng programa.
Natuto kaming sumali sa kooperatiba at mag-impok sa bangko. Sa katunayan, lahat ng tatlong anak ko ay may sari-sariling savings account at insurance sa bangko.
Unti-unti ko ring naiwan ang aking pinagkakakitaan bilang magpapataya sa ‘jueteng.’ Namulat ako na itigil ang ganitong gawain dahil ayaw kong tularan ako ng aking mga anak.
“Paano ako susundin ng mga member ko kung isa akong pasaway na pinuno,” ‘yan din ang laging nasa isip ko nang mapili ako bilang parent leader ng 4Ps sa aming lugar.
Sa aking pagiging aktibong parent leader, nakapasok ako bilang Barangay Nutrition Scholar (BNS). Ako ay naging pangulo rin ng aming samahan na binigyang puhunan ng DSWD sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) kung saan kami ay nakapagbukas ng isang tindahan.
Ngunit maliban sa akin ay binago rin ng 4Ps, sa pamamagitan ng Family Development Sessions (FDS) at Youth Development Sessions (YDS), ang lahat ng miyembro ng aming pamilya.
Sa pagdalo ni Renato ng FDS, partikular ang Gender Sensitivity Training, naging mas matibay ang pagsasama naming mag-asawa. Nakapagbabahagi na rin n’ya ng kaalaman sa iba—sa kanyang mga kaibigan at maging sa ibang mga seminar.
Banggit naman ni Hanna na ‘natuto akong maging ‘open’ sa aking mga magulang dahil itinuro sa YDS na ang mga problema ay nararapat pag-usapan sa pamilya kaysa sa ibang tao.’
Bilang magulang, ako ay natutuwa na lahat ng aming mga anak ay naging bukas sa aming mag-asawa. Anuman ang problema ay aming napag-uusapan.
Maliban dito, mas nagabayan namin ang aming mga anak. Binuksan namin ang kanilang isipan na makihalubilo sa iba. Malaki ang naging tulong nito upang maging mas responsable sila at mahasa ang kanilang pagtulong at pangunguna sa ibang mga tao, lalo na sa mga kabataan.
Si John Paul at si Hanna ay parehong nagsimulang kumuha ng “extra work” sa pagtatanim o pagsasaka upang kumita tuwing wala silang pasok sa paaralan. Ang kalahati ng kanilang kita ay aming iniimpok sa bangko samantalang ang iba ay kanilang nagagamit sa kani-kanilang pangangailangan.
Banggit pa ni John Paul, “ang pagkakaroon namin ng extra work ay hindi namin itinuturing na dagdag na pasanin o sagabal sa pag-aaral.” Naaalala kong may mga panahong dala nila ang kanilang mga libro o notebook sa linang upang sa kanilang libreng oras ay makapag-aral pa rin sila.
Dahil sa 4Ps ay natuto rin kaming ibalanse ang pagtratrabaho at ang oras sa pamilya, sama-samang kaming sumisimba, sabay-sabay na din kaming kumakain, nagagawa na naming makipaglaro sa aming mga anak, manuod ng telebisyon nang magkakasama, makipagkwentuhan at kamustahin ang isat-isa, ipagdiwang ang mahahalagang okasyon at lalo’t higit ay dumalo sa mga karangalan ng aking mga anak.
Pagiging bahagi ng komunidad
Patunay ng aming maunlad na samahan bilang isang pamilya ang aming sama-samang pagiging kalahok, at modelo, sa aming komunidad.
Bagamat ako lamang ang BNS sa aming pamilya, sina Renato at maging ang mga anak namin ay boluntaryong nakikibahagi sa mga gawain at adbokasiyang pangkalusugan dito sa aming barangay.
Noong kasagsagan ng pandemya, sa aking mga duty sa checkpoint tuwing gabi ay kasama ko si Renato na sumusuporta hindi lamang sa akin kundi maging sa mga pulis, sa mga opisyal ng barangay at mga kapwa ko health worker.
Ang aming tricycle ay boluntaryo ring ipinanghahatid ni Renato sa mga opisyal at health worker mula sa kani-kanilang tahanan patungo sa mga checkpoint.
Sa pangunguna naman ng aming mga anak ay nakapaghandog kami ng mga gulay mula sa aming mga tanim sa ‘community pantry’ na itinayo sa eskwelahan.
Ang aming tatlong anak ay aktibo ring mga 4Ps Youth na inorganisa dito sa bayan ng Lucban para sa iba’t ibang mga aktibidad at seminar. Si Hanna at si Christian ay parehong naging miyembro ng Barangay Children’s Association. Si Hanna ay isa ring Youth Local DRRM at ngayon ay naghahangad na ring magsilbi sa mga kabataan sa kanyang intensyong tumakbo bilang SK Chairperson sa aming barangay.
Matatag na kinabukasan
Sa kabila ng aming sama-samang pagtutulungan sa gawaing-bahay, sa hanapbuhay at sa pagseserbisyo sa komunidad, hindi namin nalilimot ang aming pangarap, lalung-lalo na ang pagkamit nito.
“Mag-aral kayong mabuti dahil para sa inyo ‘yan. Hindi ‘yan para sa amin,” ito ang lagi naming bilin sa aming mga anak, na hindi naman kami binigo dahil lahat sila ay masipag at nagkakamit ng karangalan sa kani-kanilang mga klase.
Sa ngayon, si John Paul ay nasa ikatlong taon na sa kolehiyo na kumukuha ng BS Electrical Engineering. Si Hanna ay nasa ikalawang taon na sa kursong BS Industrial Engineering. Si Christian ay kasalukuyang nasa Grade 11 at nais ding kumuha ng parehong kurso ng kanyang kuya.
“Doble-kayod pa lalo tayo,” banggit naman ni Renato madalas, lalo na ngayong magtatapos na rin kami bilang benepisyaryo ng 4Ps.
Ako naman ay panatag dahil malayo na rin ang aming narating. Mula sa dating namumulot ng basura, mula sa dating nagpapataya sa jueteng, ito na kami ngayon.
Tulak-tulak ang aking kariton, isinisigaw ko ang aking tindang mga gulay na mula sa tanim ng aking asawa.
Hindi ko man masasabing kami ay mayamang-mayaman, ngunit ang pagbabago ng aming hanapbuhay, ang pagpapaunlad paunti-unti ng aming bahay at mga gamit sa loob nito, ang pagpupundar ng sariling lupa, ang pagkakaroon ng savings sa bangko, at lalong higit ay ang pag-usad sa pag-aaral ng aming mga anak, ay sapat na batayan na para sa amin para sabihing umasenso na kami.
Sino nga ba ang mag-aakala na ang pamilyang dating minamaliit ay may kaginhawahan rin palang makakamit?#