July 08, 2025 – “Tatay, maaari bang chicken joy naman ang ulam sa ngayon? Nakakaumay na kasi ang dilis na tuyo,” paawang banggit ko sa aking ama sa hapag-kainan.
Mula umaga ay dilis na tuyo na ang nakahain sa hapag hanggang sa sumapit ang gabi. Noon, napapatanong ang aking sarili kung hanggang kailan namin mararanasan ang hirap ng buhay.
Lumaki ako at ang aming pamilya sa hirap, gayundin ang katotohanan na wala kaming sariling tahanan. Ang bawat hinahain sa hapag-kainan ay kailangang pagsikapan ng aking ama mula umaga hanggang gabi. Minsan isa s’yang tricycle driver, family driver, at minsan rin ay magsasaka. Isa namang simpleng maybahay ang aking ina.
Sa kabila ng lahat, pinagkalooban kami ng karapatan ng aming mga magulang na magkaroon ng edukasyon. Lima kaming magkakapatid at nangarap na magkaroon ng maayos na pamumuhay.
“Anak, kahit mahirap, basta makatapos kayo. ‘Yun lang ang tanging pamana namin,” madalas na sinasabi ni Nanay habang sinisiguro niyang may laman ang aming mga baon, kahit pa kakarampot lamang ito.
Kalakip ng sampung piso na baon noong elementarya at paglalakad ng mahigit 20 minuto mula bahay patungong esk’welahan ay bitbit ang mga pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at makatulong sa pamilya.

“Kumakalam na ang tyan ko, ate. Wala pa ba ang ama,” paawang banggit ng aking nakakabatang kapatid habang naghihintay kami ng pagdating ng ama. Kailangan pa namin siyang hintayin para mabigyan kami ng karagdagang baon para makabili ng pananghalian sa esk’welahan.
Hindi naging madali ang bawat araw ng aming buhay. Ang bawat salapi na kinikita ng aming ama ay kailangang pagkasyahin ng aking ina upang maibigay ang pangangailangan ng bawat isa. May mga pagkakataon na kailangang humiram ng pera sa ibang tao upang matustusan ang pang-araw araw.
Sa kabila ng kakulangan, nagsumikap ako. Nakapagtapos ako ng elementarya bilang batch
Valedictorian.
Sa pagtuntong ko ng high school, dala ko pa rin ang mga munting pangarap—mahasa ang sarili, makapagtapos ng pag-aaral, at higit sa lahat, makatulong sa pamilya. Sa panahong iyon, high school na rin ang pangalawa kong kapatid habang nasa kolehiyo na ang aming panganay. Habang tumataas ang antas ng aming pag-aaral, mas lalong lumalaki ang gastusin. Nahihirapan na ang aming mga magulang kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na kinikita para sa aming pang-araw-araw na pangangailangan.
Malaking tulong ang nagawa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa aming pamilya. Sa buwanang tulong pinansyal na binibigay, ang noo’y palagiang dilis at itlog na ulam ay nadadagdagdan na ng isdang galunggong o bangus.
Hindi lang sa tiyan naramdaman ang ginhawa. Sa tulong ng mga programang kalakip ng 4Ps—tulad ng Family Development Session para sa mga magulang at Youth Development Session para sa mga kabataang tulad ko—unti-unting nabuhay ang diwa ng aming pamilya. Ang dating minsanang pag-uusap sa sala ay napalitan ng mas madalas na tawanan, k’wentuhan, at sama-samang pag-aaral ng mga aral sa buhay.
Paglipas ng ilang taon, tumuntong na ako sa kolehiyo. Ngunit dumating ang pandemya—isa sa pinakamabigat na unos na aming hinarap. Nawalan ng kita si Tatay bilang tricycle driver, at unti-unting naging mas mahirap ang araw-araw.
“Nanay, paano kaya ‘yung klase ko? Ubos na ang aking data,” tanong ko nang may pag-aaalala.
“Dea, magtiwala ka. Lahat ng bagay ay nagagawan ng paraan,” sagot niya na punong-puno ng pag-asa.
Nagkaroon kami ng internet connection sa bahay, at nakaipon upang makabili ng laptop—isang bagay na naging daan upang hindi maputol ang aking pangarap. Sa tulong muli ng 4Ps, nakalampas kami.
Ngunit ang pinakamabigat sa lahat ay dumating noong 2022. Ang ilaw ng aming tahanan, si Nanay—ang pusong nag-uugnay sa amin at pinakaaktibong kalahok sa programa—ay namaalam. Dahil sa komplikasyon sa thyroid at mild stroke, pumanaw siya. Ang pagkawala niya ay tila pagguho ng mundo namin.
“Nanay, paano na kami,” sambit ko sa aking ina habang ako’y nakayakap sa kanya sa ospital.
Pakiramdam ko’y nawala ang kalahati ng pagkatao ko. Ngunit kahit sa gitna ng sakit, hindi kami bumitaw. At dahil sa sakripisyo, suporta, at pananalig—isa-isa naming narating ang aming mga pangarap.
Ako’y nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Civil Engineering. Ang aming panganay ay isa nang lisensyadong guro. Ang pangalawa ay isang lisensyadong Mechanical Engineer. Ngayon, ang pang-apat ay nasa third year college sa kursong Financial Management, habang ang aming bunso ay hahakbang na sa Senior High School.
“Ang sarap na ng ulam natin ngayon, Ate,” sabi ng bunso naming may ngiti habang tinikman ang chicken joy sa hapag.
Ngumiti ako.
“Oo nga, hindi na tuyo araw-araw.”
Lahat ng ito ay bunga ng walang sawang pagsusumikap ng aming ama, ng tulong ng mga kapatid kong may trabaho, at ng programang nagbigay sa amin ng pag-asa sa gitna ng kawalan.
Kung dati’y isang kahig, isang tuka kami—ngayon, kahit papaano, may araw na hindi na kailangang kumahig. May araw na ang tanghalian ay may ngiti, at ang hapunan ay may saya.
At ang chicken joy? Hindi na lang pangarap—isa na itong alaala ng tagumpay.
Story written by Andrea Rose P. Racelis, 24, a former child-beneficiary of the Pantawid Pamilyang Pilipino
Program from Brgy. Ayuti, Lucban, Quezon, as part of her participation in the Story Writing Workshop for
4Ps Child-Beneficiaries facilitated by DSWD Field Office IV-A last June 5-7, 2025 in Tagaytay City. This
workshop provided an opportunity to child-beneficiaries of the program to communicate how the 4Ps
helped in shaping and achieving the dreams of children and families through the years.
Andrea is a graduate of Bachelor of Science in Civil Engineering.