June 17, 2025 – Kasabay ng marahang pagbukas ng pinto ng silid-aralan ay ang pagtapak ng aking musmos na paa, suot ang sapatos na kupas, butas, at halatang pinaglumaan. Ang aking paa’y halos dumikit na sa lupa dahil sa s’welas na sobrang nipis na at sa bawat hakbang, tila may tinig na umaalingawngaw.

“Yan ‘yung anak ng nagtitinda ng banana cue, hindi nila ‘yan kayang mapagtapos.” 

Ang bawat yabag ko’y parang iyak na hindi mailabas, isang marahang kalampag ng paang pagod sa kahirapan. Ang bawat salita nila’y tinik na paulit-ulit na tumatarak sa puso ng isang batang may pangarap na pilit pinanghahawakan. Hindi ko man suot ang pinakamahal na sapatos, suot ko naman ang pinakamatinding dahilan para ito ay mapalitan. 

Habang inuukit nila ako sa mababang tingin, unti-unti ko namang tinutuhog ang determinasyon kagaya ng banana cue na bumubuhay sa amin.

Lima kaming magkakapatid at bagamat iba-iba kami ng edad, iisa lamang ang kahon na aming kinalalagyan. Ang sapatos namin ay pare-parehong gamit, lipasan, kupas, o kaya’y pilit na isinusuot kahit sikip o maluwag. 

Malinaw pa sa aking alaala ang tahimik na pagsulat ng aking ama gamit ang itim na pentel pen sa gilid ng aking sapatos. Ito’y hindi upang lagyan ng pangalan, kundi para matakpan ang punit sa harap, para kahit paano’y hindi mahalata na puknat na ito. Sa simpleng paraan niya, pilit niyang binibigyang dangal ang aking bawat hakbang.

Naranasan namin ang mag-ulam ng asin, asukal, kape, at kung anu-ano pang tigpipisong sitsirya. Ang school supplies namin noon ay tila alahas sa aming mga mata at ang pagkakaroon ng bagong uniporme ay tila isa lamang pangarap. 

Dumating ang isang biyaya– ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ako’y bata pa lamang nang mapabilang kami sa programa. Sa una, inakala ko itong simpleng ayuda, isang pansamantalang tulong upang matugunan ang pang-araw-araw naming pangangailangan. Ngunit habang lumilipas ang panahon, nakita at naramdaman ko ang mas malalim na layunin nito. Hindi lamang ito pinansyal na suporta. 

Unti-unting nagbago ang aming kalagayan. Unti-unti naming naranasan ang mga bagay na dati ay tila pangarap lamang. Unti-unting nabawasan ang bigat sa balikat ni Mommy habang binubuhat ang bilao ng banana cue, nabawasan ang pagkirot ng likod ni Papa mula sa pagbubuhat ng paninda. At sa sandaling iyon, naintindihan ko ang tunay na regalo ng 4Ps. Isang pahinga sa gitna ng pagod, isang lunas sa tuluy-tuloy na paghihikahos.

Isa itong tali na maghihigpit ng iba’t iba naming sapatos upang ‘di kami madapa. Ito ang naging unang hakbang upang makapag-aral ako nang maayos, manatiling malusog, at higit sa lahat, magkaroon ng panibagong pananaw sa buhay.  

At nang dumating ang araw na nagkaroon ako ng bagong sapatos, “Diyos ko! Kay sarap  sa pakiramdam!” 

Ilang ulit ko itong isinuot bago matulog, inamoy, pinunasan, niyakap, para bang tropeyo ng sakripisyo ng buong pamilya. Hindi ito basta sapatos. Ito ang sagisag ng isang bagong simula. 

Pagdating ng kolehiyo, nagsimula ang tunay na laban. Bachelor of Science in Civil Engineering ang kinuha ko, sabi nila ay kurso ng mayayaman. Nagtrabaho ako bilang isang call center agent. Graveyard shift tapos klase sa umaga. Daalwang oras na lamang ang tulog dahil kailangan pang bumiyahe papuntang esk’welahan. Nangingitim ang ilalim ng mata, nanginginig ang kamay sa antok, ngunit pilit ko pa ring itinatayo ang sarili. 

Bawat hakbang ko, kahit mahirap, ay patungo sa pangarap. Mahirap, nakakapagod, ngunit ang s’welas ng aking sapatos ay tila kumakapal habang ako ay naglalakad. Ang punit nito ay unti-unting natatahi katulong ng aking mga magulang. 

Sa muling paghakbang ko sa silid-aralan, maririnig mo ang tikas ng aking takong. 

“Magandang araw po, Engineer,” bati ng aking dating guro, may bakas ng pagkamangha sa kanyang tinig. 

Ang bulungan ng pangmamaliit ay napalitan ng palakpak, palakpak ng pag-asa, tagumpay, at pagkilala. 

At ang tunog ng aking takong? 

Hindi lamang ito lakad ng isang Engineer. Ito ang yabag ng isang pangarap na hindi nila napatay. At ngayon, ay dumadagundong sa mismong silid kung saan minsan akong pinagtawanan. Ngayon ay simbolo ng paninindigan, hindi lang para sa sarili, kundi para sa bawat batang pinagdudahan ang kakayahan dahil sa kahirapan.

“Ako po si Engr. Cherry Rose T. Amante, RCE, RMP, anak ng nagtitinda ng banana cue, minsang tinawanan, minsang tinitigan nang may panghuhusga, ngunit ngayo’y buong dangal na nakatindig sa harap ninyo,” buong-pusong pagtatapos ko sa aking talumpati bilang guest speaker sa kanilang pagtatapos.#


Story written by Engr. Cherry Rose T. Amante, 26, a former child-beneficiary of the Pantawid Pamilyang Pilipino Program from Brgy. Poblacion III, Nagcarlan, Laguna, as part of her participation in the Story Writing Workshop for 4Ps Child-Beneficiaries facilitated by the DSWD Field Office IV-A last June 5-7, 2025 in Tagaytay City. This workshop provided an opportunity to child-beneficiaries of the program to communicate how the 4Ps helped in shaping and achieving the dreams of children and families through the years.

Cherry Rose earned her license as a registered civil engineer last November 2022. She now works at the local government unit of Nagcarlan as an engineer.