June 26, 2025 – “Ayan na naman ang mga langaw!”

Sigaw iyon ni Manang Cora habang kami’y nakatayo sa gilid ng kalsada. Tirik ang araw, rumaragasa ang amoy ng sinigang mula sa loob ng handaan ng kapitbahay. Kumakalam ang sikmura ko, pero mas malakas ang kurot ng mga matang nakatingin sa amin—mata ng panghuhusga, mata ng pagkadiri. 

“Kung saan may pagkain, nandoon sila,” dagdag pa ni Manang, habang itinatapon sa amin ang tingin na parang kami’y mga peste. 

Tahimik lang akong nakatayo. Hindi dahil hindi ako nasasaktan—kundi dahil nasanay na ako. 

Langaw. 

‘Yun daw kami. Sapilitang sumusulpot. Nakikiamoy. Nakikikain. Nakikihati. Pero ang hindi nila alam, hindi lang kami basta langaw. Kami ay mga langaw na natutong lumipad kahit madilim ang paligid. 

Lima kami sa pamilya—si Mama, si Papa at kaming tatlong magkakapatid. 

Anim na taong gulang pa lamang ako, alam ko na ang lasa ng gutom—at ang lasa ng kahihiyan. Galing kami sa Maynila, pero napilitang lumipat sa Baras, Rizal nang mawalan ng trabaho sina Mama at Papa. Parang bigla na lang kaming ibinagsak sa lugar na walang kasiguraduhan. Walang bahay na maayos. Walang kamag-anak. Walang pambili ng bigas. 

May isang araw sa esk’wela, lunch time, umupo kaming magkakapatid sa ilalim ng hagdan at kumain ng minatamis na saging—tirang handa ng kapitbahay na ni-recycle pa ni Mama. Habang ngumunguya ako, pinipigilan ko ang luha ko. Hindi dahil sa pait ng saging, kundi sa pait ng pakiramdam— ‘yung parang hindi ka dapat nandoon. 

Kinagabihan naman, naririnig ko si Mama sa k’warto. Akala niya tulog na ako, pero malinaw ang bawat bulong niya kay Papa. 

“Paano ‘to bukas? Wala na tayong bigas. Wala na tayong malapitan.”

Doon ko unang naintindihan ang tunay na kahulugan ng “walang wala.” Pero kahit tinatawag kaming langaw ng iba, hindi ibig sabihin, wala na kaming karapatang mangarap. 

Isang araw nga, dumating ang pagbabago, hindi sa anyo ng milagro, kundi sa anyo ng pag-asa: Pantawid Pamilyang Pilipino Program. 

Akala ko noon, simpleng ayuda lang. Pero sa bawat seminar na dinaluhan ni Mama—Family Development Sessions na nagturo kung paano humawak ng pera at magplano—unti-unti siyang natutong bumangon. 

Nagsimula siya sa isang mesang tindahan sa harap ng bahay: candy, tinapay, suka. Para sa iba, maliit. Pero para sa amin, sari-sari store ng pangarap. 

Si Papa, kahit walang permanenteng trabaho, ‘di nagdalawang-isip gumawa ng paraan. Naging tagaayos ng sirang appliances, tagalinis ng bakuran, minsan garbage collector. Kahit ano, basta marangal, pinasok niya. 

Habang kami namang magkakapatid, lalo kaming nagpursige. Ang ate ko, nangangarap maging accountant. Ako, gustong maging guro—hindi lang para magturo ng leksyon, kundi para magturo ng pag-asa. 

May isang gabi, habang sabay-sabay kaming kumakain ng sinigang na may dalawang pirasong baboy at maraming gulay, tinanong ni Papa: 

“Kung makakapagtapos kayo, anong gusto n’yo talagang gawin?”

Sabi ko, 

“Gusto kong ibalik lahat ng binigay ninyo. Gusto kong tuparin ang pangarap n’yo at gusto kong patunayan na ang langaw, puwedeng lumipad nang mataas.”

Ngayon, nasa kolehiyo na ako. Ilang hakbang na lang, matutupad ko na ang pangarap ko. Hindi lang para sa sarili, kundi para sa amin—para sa lahat ng tinawag na langaw. 

At alam mo ba ang hindi nila alam? Ang langaw, kahit itaboy, babalik at babalik. Hindi dahil makulit, kundi dahil matatag. Hindi sumusuko. At kapag natutong mangarap, ang langaw ay puwedeng lumipad nang mataas—higit pa sa taas ng pagkakatingin ng iba. 

Sa huli, Ako si Alaiza Nabong. Isang anak ng hirap, ngunit hindi alipin nito. Isa sa libo-libong anak ng 4Ps—mga batang minsang gutom, minsang hinusgahan, minsang itinuring na langaw. Pero ngayon, ako na ang langaw na natutong lumipad. Lumipad hindi paalis, kundi pataas. Hindi paatras, kundi pasulong. 

Noon, tinawag nila kaming langaw. Pero ngayon, ako ang patunay na kahit langaw, kayang lumipad nang mataas.#

****

Story written by Alaiza D. Nabong, 20, a former child-beneficiary of the Pantawid Pamilyang Pilipino Program from Brgy. Concepcion, Baras, Rizal, as part of her participation in the Story Writing Workshop for 4Ps Child-Beneficiaries facilitated by DSWD Field Office IV-A last June 5-7, 2025 in Tagaytay City. This workshop provided an opportunity to child-beneficiaries of the program to communicate how the 4Ps helped in shaping and achieving the dreams of children and families through the years.

Alaiza is currently in college taking up Bachelor of Science in Education major in English at the University of Rizal System – Morong.  She is also the 2019 Regional Winner of the Search for Exemplary 4Ps Children in the CALABARZON Region.