Higit PhP 140,000 na ang naireport na kita mula sa pagbebenta ng mga inaning gulay mula sa mga communal gardens sa 12 barangay sa bayan ng San Francisco, Quezon. Ang kanilang kita ay ginagamit ng mga residente para sa pagpapaunlad ng kani-kanilang proyekto tulad ng pagbili ng mga seedlings at mga gardening tools.

Sa pagbabahagi ni Project Development Officer Mark Joseph Rejano sa resulta ng kanilang isinagawang post-monitoring visit noong Oktubre 19, nakita ng kanilang grupo ang pagpupursige ng mga residente at suporta ng lokal na pamahalaan sa patuloy na pagpapaunlad ng kanilang proyekto. Ang lokal na pamahalaan ay kasalukuyang naglaan ng pondo para sa patubig at seedlings, samantalang ang mga residente ay nagpaplanong magdagdag ng manukan at fishpond.

Ang nasabing proyekto ay bahagi ng DSWD Risk Resiliency Program thru Project LAWA at BINHI na nagbibigay ng training at trabaho sa mga residente upang magpatupad ng mga proyektong makatutugon sa mga epekto ng tag-init at climate change.

Sa bayan ng San Francisco, mayroong 742 na mga residente ang nagtulung-tulong sa pagpapatupad ng nasabing proyekto. [with reports from MJRRejano]