Paano kung wala na, itutuloy pa ba?

Sa pusod ng tahimik na baryo ng Mapulot Sitio Labak, Tagkawayan, Quezon, matatagpuan ang isang pamilyang kilala sa kanilang kasipagan at matibay na determinasyon—mga pinagmumulan ng tagumpay sa gitna ng unos ng kahirapan. Sa lilim ng mga punong kawayan, maririnig ang bawat hakbang ng amang magsasaka na humahalik sa lupa, at ang mga pagod na kamay ng inang nag-aalaga sa kanilang mga supling, tila musika ng walang kapantay nilang sakripisyo.

Sa kabila ng kanilang mga pagsusumikap, hindi sapat ang ani ng sakahan upang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng kanilang pamilya. Nangungutang pa sila sa kapitbahay upang may maisaing at maipambili ng ulam kapag sila’y walang-wala. Ilang baso ng sabaw ang inilalagay sa isang balot na noodles para ito ay magkasya sa magkakapatid na kakain. Subalit, ang kanilang mga pangarap ay nanatiling buhay, tila bituing nagliliwanag sa gitna ng kadiliman ng gabi.

Itinuro ng magulang sa kanilang pitong anak ang halaga ng edukasyon bilang susi sa pag-ahon mula sa kahirapan, sapagkat sila mismo ay hindi nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral nang maayos. Ang ina ay nakapagtapos ng hayskul, samantalang ang ama ay hindi nakatapos ng elementarya.

Sa bawat araw, ang pamilya’y nagtitipid at nagsusumikap. Ang ama ay gumigising nang maaga upang magtrabaho sa bukid, habang ang ina ay naglalaba sa kanilang baryo upang madagdagan ang kita. Sa kabila ng kanilang mga sakripisyo, madalas pa rin silang kapusin sa pang araw-araw na gastusin, lalo na pagdating sa mga bayarin sa esk’wela ng kanilang mga anak.

Isang araw, narinig ng ina ang tungkol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan. Ang programang ito ay naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na pamilya upang matulungan silang makatawid sa pang-araw-araw na gastusin kapalit ng pagsunod sa ilang kundisyon tulad ng regular na pag-aaral ng mga anak at

pagpapabakuna. Nakarating sa kanilang bahay ang mga nagsisiyasat ukol dito at nakita ang hindi kagandahang bahay ng pamilya—bahay na gawa sa sawali at butas-butas pa, bubong na tumutulo kapag bumubuhos ang ulan. 

Hindi makapaniwala ang ina nang malaman niyang sila ay napabilang sa programang ito.

“Buti na lang napasama tayo sa 4Ps,” wika ng ina, puno ng pag-asa.

“Makakapagtuon na tayo sa pag-aaral ng mga bata at hindi na kailangang mag-alala kung saan kukuha ng pambili ng gamit sa eskwela.”

Sa tulong ng 4Ps, nagkaroon ng mas magandang pagkakataon ang mga anak na makapag-aral. Ang isang anak ay nangarap maging civil engineer. Sa kanyang sipag at tiyaga, nagtapos siya sa senior high school at nakapasok sa Batangas State University – The National Engineering University – Alangilan Campus. Ang sumunod sa kanya, na may hilig sa pagtuturo, ay nag-aral ng Batsilyer ng Filipino sa Pinarayuhan sa Elementarya at naging inspirasyon sa kanyang mga kapatid. 

Ang dalawang bunsong anak ay patuloy na nag-aaral sa high school at elementarya. Ang tulong mula sa 4Ps ay nakatulong upang mabili nila ang kanilang mga pangangailangan sa esk’wela, tulad ng mga libro, uniporme, at iba pang gamit.

Laging nagpapaalala ang ina sa kanilang mga anak, “Gamitin ninyo ang bawat pagkakataon na ibinibigay sa inyo. Ang edukasyon ang mag-aahon sa atin mula sa kahirapan.”

Ngunit sa isang hindi inaasahang pagkakataon, nagkasakit ang ina at pumanaw. Bumagsak ang mundo ng pamilya. Nawalan ng pag-asa ang lahat. Habang ang ina ay nakaburol sa bahay, nagsama-sama ang pitong magkakapatid at nag-usap-usap. 

“Paano na tayo nito kung wala na tayong ina na gagabay sa atin, wala na tayong ina na mag-aalaga sa atin,” wika ng isang anak na nangangarap maging engineer habang umiiyak. 

Ang lahat ay nabalot ng pagkalito at kawalan ng direksyon. 

“Kailangan nating magpatuloy,” bigkas muli nito na may kasamang lakas ng loob.

“Ang pangarap natin ay para sa ating mga magulang. Kahit wala na ang ating ina, kailangan nating magpatuloy para matupad ang ating mga pangarap.”

Habang nag-aaral ang dalawa sa kolehiyo, patuloy silang tumutulong sa kanilang mga kapatid sa pamamagitan ng pagtuturo at pagtulong sa mga gawaing bahay. Gayun din ang tatlo pang anak sa pamamagitan ng pagbibigay ng panggastos, sinisiguro nila na ang bawat isa ay may pagkakataong makamit ang kanilang mga pangarap.

Kahit hindi pa nagtapos bilang engineer at guro ang mga anak, ibang-iba na ang kanilang buhay kumpara dati. Nagkaroon ng maayos na trabaho ang panganay, pangalawa, at pangatlo. Ang ama, na dating magsasaka, kahit hindi nakapagtapos ng elementarya, ay binigyan ng trabaho ng kanyang kaibigang engineer bilang tagapamahala sa isang bahay at tagapagluto.

Sinisiguro ng ama na ang mga anak na nag-aaral ay makakapagtapos upang matupad ang kanilang mga pangarap.

“Pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral dahil ako ay hindi nakapagtapos ng aking pag-aaral,” nakangiting bigkas ng kanilang ama.

Alam nilang ipagpapatuloy nila ang kanilang nasimulan upang maging matagumpay sa kanilang buhay. Sa kabila ng pagkawala ng kanilang ina, nagtagumpay ang pamilya sa kanilang laban sa kahirapan. Ang dating bahay na gawa sa sawali, ngayon ay kalahating semento na, at ang bubong na dating tumutulo sa tuwing umuulan ay maayos na. Umunti na rin ang sinasabaw nila sa isang balot na noodles at ngayon ay may itlog pa.

Sa tulong ng 4Ps at sa kanilang sariling pagsusumikap, nagkaroon sila ng mas maayos na kalagayan. Ang anak, na patuloy na nag-aaral bilang engineer, ay nagsusumikap upang makatulong sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Ang isa pang anak, na nag-aaral bilang guro, ay naging working student at sinisikap makapagtapos upang magkaroon ng maayos na trabaho sa hinaharap.

Sa paglipas ng panahon, handa na ang pamilya na tumayo sa kanilang sariling mga paa. Ang benepisyo mula sa 4Ps ay natapos na, ngunit hindi na nila ito kinakailangan dahil sa kanilang pinagsamang kasipagan, dedikasyon, at pagmamahal sa isa’t isa. Marahil ay ibang pamilya naman ang matutulungan nito sa iba’t ibang aspeto. 

Ang kanilang kuwento ay patunay na sa bawat pagsubok at hamon sa buhay, ang pangarap at pagbabago ay kayang makamit sa tulong ng pagsusumikap at suporta mula sa pamilya at pamayanan. 

“Tingnan n’yo, ganyan ang gayahin ninyo. Kahit mahirap, nagsisikap makapagtapos ng pag-aaral,” humahangang wika ng isa nilang kapitbahay.

Ngayon, ang pamilya ay patuloy na nagtutulungan at nagsusumikap para sa mas magandang kinabukasan. 

“Sa bawat araw na lumilipas, patuloy kaming nagpapasalamat sa mga biyayang natamo namin,” malugod na sabi ng isang anak.

Kahit wala na ang ina, ang kanilang pangarap ay nananatiling buhay. 

Paano kung wala na? 

Itutuloy pa rin nila, sapagkat ang determinasyon at pangarap ay nagsisilbing ilaw sa kanilang landas. Kung wala na ang 4Ps, itutuloy pa rin nila, dahil ang mga natutunan at naranasan nila ay sapat na upang magbigay sa kanila ng lakas at inspirasyon na magpatuloy. Ang pagmamahal sa isa’t isa at ang determinasyon na maabot ang kanilang mga pangarap ang magiging gabay at lakas nila sa harap ng anumang hamon.

***

Story written by Joshua H. Hernandez, 21, a former child-beneficiary of the Pantawid Pamilyang Pilipino Program from Tagkawayan, Quezon, as part of his participation in the Story Writing Workshop for 4Ps Graduates facilitated by DSWD Field Office IV-A last June 19-21, 2024 in Tagaytay City. This workshop provided an opportunity to child-beneficiaries of the program to communicate how the 4Ps help shape and achieve the dreams of children and families through the years.

Joshua is a graduating student of Bachelor of Science in Civil Engineering at the Batangas State University – The National Engineering University Alangilan Campus.

NOTE: The DSWD FIELD OFFICE IV-A has been given consent by the subject-writer to post and / or publish the story. Any rewriting or repackaging and reposting / republication of the story without proper citation are considered UNETHICAL and FRAUDULENT. Such actions may be dealt with accordingly by the office.