“Paano kaya namin kayo maigagapang sa buhay,” puno ng pag-aalala at bigat ng pusong wika ng aking ina at ama.
Mga katagang hindi ko na halos mabilang kung ilang beses nilang nasambit sapagkat ito’y hindi simpleng tanong kundi isang hamon at laban nila sa araw-araw.
Paano nga ba? Isang malaking katanungan sa noo’y aking musmos na kaisipan na bagaman bata ay ramdam na ang pait ng buhay.
Sa bawat araw, isang laban. Ang mga kamay na kung sasalatin ay ubod ng gaspang ay siyang tanda ng sipag ng aking mga magulang. Sa kabila ng walang humpay na pagtitinda ng aking ama ng karneng baka kasabay ng kabi-kabilang raket ng aking ina tulad ng pag-aalaga ng bata, paglalako, paglalaba at paglilinis ng bahay, hindi pa rin kami magkandaugaga sa mga bayarin kabilang ang mga gastusin sa pag-aaral naming tatlong magkakapatid.
Bagamat lagi silang nagagalak sa mga panahong ako’y nagwawagi sa mga akademikong patimpalak, gamit ang lapis na tinasahan mismo ng aking ama ng kutsilyo na kanyang pinakaiingat-ingatan, batid ko ang kanilang mga pangamba. Sabay sa mahigpit kong kapit sa mga tasang lapis ay ang kanilang pag-aalala dahil ang baon ko ay ipinangutang pa. Dagdag isipin pa na habang kami ay patuloy na lumalaki, lumolobo rin ang bayarin at nagmamahal ang bilihin.
Kaya’t ang pagkakataong mapabilang sa 4Ps ang siyang nagbigay liwanag at pilit nagbukas ng pinto sa aming unti-unting naglalahong pag-asa. Ito ang nagbigay sa amin ng lakas upang magpatuloy sa buhay. Ang mga cash grants na aming natatanggap ay nagamit na karagdagan sa pangangailangang pampaaralan at pangkalusugan na nagbigay pagkakataon upang maitabi ang ilan sa kinikita ng aking mga magulang.
Napakarami rin naming natutunan sa isinagawang Family Development Sessions na patuloy naming naisasagawa hanggang sa kasalukuyan tulad ng pagkakaroon ng positibo at mas matibay na relasyon sa pamilya, pagpapalakas ng pananampalataya sa tahanan, mga impormasyon sa pagpapaunlad ng kabuhayan gayundin ang pakikisalamuha at pagiging bahagi ng komunidad.
Kaugnay nito, hindi kami umasa lamang sa benepisyo ng 4Ps, ginamit namin ito bilang inspirasyon upang magsumikap pa. Ang mga tulong na ipinagkaloob ay sinamahan pa ng sipag at tiyaga upang mas magtagumpay at makamit ang kaginhawaan.
Nagtanim kami ng mga kamote, papaya, saging at mais. Tulung-tulong sa pagkukudkod para sa sumang kamote at atsara. Hindi iniinda ang sugat at hapdi. Naglako ng banana cue at turon, ginataang langka, bibingka at halo-halo na lakad na ihahatid sa bumili gaano man katindi ang sikat ng araw. Ang dahon ng niyog ay ginagawa’t ipinagbibili bilang walis.
Gumigising din kami ng alas-dos ng umaga para ihanda ang mga ibebentang alagang puting manok. Pagdating ng alas-kwatro ay uusungin namin ang timbang naglalaman ng mga manok papuntang kanto. Dahil sa bigat, madalas kaming tumigil upang magpahinga at kumuha ng bagong lakas. Pagkabalik sa aming tahanan ay saka naman kami maghahanda para sa eskwela.
Ang bawat hakbang, bawat pawis, at bawat pagod ay nagsilbing pundasyon ng aming mga pangarap. Ako ay nagtapos sa junior high ng may pinakamataas na karangalan. Noong ako ay nasa senior high ay nagtrabaho ako sa programang SPES (Special Program for Employment of Students ng Department of Labor and Employment) at lumipat ng paaralan mula Taal, Batangas patungong Lemery upang makatulong sa aking mga magulang. Batid kong magiging dagdag na alalahanin nila na dalawa na
kaming mag-aaral sa bayan.
Maaga kaming naghahanda at naglalakad para makahabol sa “Libreng Sakay para sa Senior High.” Sa halip na gastusin sa pamasahe, naipon namin ang tulong ng 4Ps para sa mga biglaang pangangailangan sa esk’wela. Kahit transferee, nagsikap ako at nagtapos na may mataas na karangalan.
Maging sa kolehiyo’y abot-abot ang gabay ng 4Ps sapagkat isa ito sa naging tulay upang matanggap kami sa mga scholarships. Mas pinagbutihan ko ang aking pag-aaral, hindi pinalampas ang anumang pagkakataon na matuto.
Ngunit luha ko’y hindi mapigilan sa mga panahong hiniling nila na huwag munang magpatuloy sa kolehiyo ang aking kapatid.
“Isa ay medyo kaya pa, ngunit ang dalawa ay mahirap na,” nangingilid ang luhang wika ng aking ina.
Batid ko ang determinasyon ng aking kapatid kaya’t aming ipinaglaban ang nais niyang makapag-aral. Ipinakita namin ang lahat ng aming kakayahan at higit pa. Ginawa ang lahat ng makakaya upang patunayan na kaya ito ng aming pamilya at kakayanin pa. Nagsunog ng kilay araw at gabi, nagbabad sa mga libro, at nagsikap na makakuha ng mataas na marka sa bawat pagsusulit. Patuloy kaming naghanap ng karagdagang scholarship upang mas matustusan ang aming pag-aaral.
Nakapagtapos ako ng kursong Electronics Engineering bilang Outstanding Student Awardee na nagbigay pribilehiyo sa akin bilang natatanging mag-aaral sa aming kurso na maaaring isama ang mga magulang sa pag-akyat ng entablado. Puso ko’y umaapaw sa kagalakan, sapagkat ito ang unang beses na sabay ko silang makakasama, at unang pagkakataon mula nang ako’y mag-aral na sinamahan ako ng aking ama sa pag-akyat sa entablado. Sa bawat hakbang ng aming pag-akyat, dama ko ang bigat ng kanilang mga sakripisyo.
Hindi rin naging hadlang ang desisyon kong sa online review na lamang manindigan. Sa bahay ng kamag-anakan na may maayos na internet connection pansamantala akong manirahan. Sa tulong din ng Panginoon at walang sawang suporta ng aking pamilya, napagtagumpayan ko ang Electronics Engineering and Technician Licensure Examinations. Ang bawat dasal, bawat pag-asa, at bawat paniniwala na kaya namin ay naging katotohanan.
Ngayon, handa na kaming magpatuloy sa buhay matapos ang programa ng 4Ps. Ang aming kahandaan ay bunga ng lahat ng natutunan at sakripisyo.
Ang aking kapatid ay magtatapos na sa kursong Customs Administration at ang bunso’y mag-iikatlong taon na sa kursong Tourism Management. Ako naman ay isa nang lisensiyadong engineer at handa na akong harapin ang mga hamon ng propesyon at patuloy na magpapaunlad ng aking kakayahan.
Ang aming mga plano para sa tuluy-tuloy na pag-unlad ay nakabatay sa determinasyon. Patuloy kaming magsusumikap, mag-iimpok, at maghahanap ng mga oportunidad upang lalo pang mapaunlad ang aming kabuhayan.
“Paano kaya namin kayo maigagapang sa buhay?”
Sa kabila ng lahat ng ito, sa bawat pagdududa at takot, nasagot ang kanilang paulit-ulit na tanong. Ito ay sa pamamagitan ng matatag na pananalig sa Diyos, pagtitiwala sa aming kakayahan, at sa walang sawang suporta at pagmamahal ng aming pamilya.
Kami ay patuloy na lalaban, magtutulungan, at magsisikap, dala ang inspirasyong ibinigay ng 4Ps. Ang aming mga paa ay nasa lupa, ngunit ang aming mga mata ay nakatanaw sa langit, puno ng pag-asa at determinasyon na harapin ang anumang pagsubok na darating pa.
Story written by Sheena Mae M. Atienza, 23, a former child-beneficiary of the Pantawid Pamilyang Pilipino Program from Lemery, Batangas, as part of her participation in the Story Writing Workshop for 4Ps Graduates facilitated by DSWD Field Office IV-A last June 19-21, 2024 in Tagaytay City. This workshop provided an opportunity to child-beneficiaries of the program to communicate how the 4Ps help shape and achieve the dreams of children and families through the years.
Sheena is a newly-licensed electronics engineer.
NOTE: The DSWD FIELD OFFICE IV-A has been given consent by the subject-writer to post and / or publish the story. Any rewriting or repackaging and reposting / republication of the story without proper citation are considered UNETHICAL and FRAUDULENT. Such actions may be dealt with accordingly by the office.