“And as they say, no one is given something that they did not earn, and I’m telling you, you’ve earned this. Congratulations!”
Tapos na ang aking talumpati ngunit tuloy pa rin ang kalabog ng aking dibdib habang binabaybay ang hagdan pabalik sa aking upuan. Huminga ako nang malalim bago ako maupo sa aking upuan.
Naalala ko, ang ganitong mga tagumpay ang dahilan kung bakit kami patuloy na lumalaban.
Lumaki ako sa isang simpleng pamilya na mailalarawang “isang kahig, isang tuka.” Ngunit sa kabila nito, hindi ko gaanong naramdaman ang bigat ng kahirapan dahil sa pagsusumikap ng aking mga magulang. Binubuhay kami ng aking ama sa pamamagitan ng pagbababa ng buko at pag-extra sa konstruksyon. Mas’werte na kung may pag-eextrahan. Kung wala, tinutulungan muna s’ya ng kanyang mga kapatid para maitawid ang maghapon. Dahil sa kakapusan, itinanim ng aking ina sa aking pagkatao na kailangang maging kontento sa kung anong nakahain at palaging maging mapagpasalamat ultimo sa pinakamaliliit na biyaya.
Mahirap mabuhay nang kapos: wala ka na ngang kakayahang bumili ng mga kagustuhan mo, paminsan-minsan ay hindi mo pa mapunan ang iyong mga pangunahing pangangailangan. Nariyan ang mga araw na papasok ako nang walang laman ang tiyan sapagkat mas nananaig ang kagustuhang matuto kaysa sa pagkalam ng sikmura.
Para sa isang pamilyang lumalakad sa lubid araw-araw, isang malaking biyaya ang maging kabahagi ng programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ako ay isa sa mga unang kabataang sinubaybayan ng programa. Bagama’t malungkot tanggapin na ang aming pamilya ay kabilang sa sektor ng “poorest of the poor” upang maging kwalipikado sa programa, lubos akong nagpapasalamat dahil sa tulong ng programang ito.
Mula elementarya hanggang senior high school, ang 4Ps ay naging katuwang ng aking mga magulang sa pagsustento sa aking pag-aaral. Dahil sa buwanang cash assistance na natatanggap namin, ramdam kong nabawasan ang bigat ng pinansyal na pasanin ng aming pamilya. Sa kabutihang palad, nagtapos ako ng elementarya bilang Class Valedictorian, at sa junior high school, nagtapos ako sa ikatlong p’westo sa aming batch, kasama ang karangalang pinakamahusay sa larangan ng Matematika. Nagtapos rin ako sa FAITH – Fidelis Senior High School ng may mataas na karangalan at ibinigay din sa akin ang “Excellence Award in Pre-Calculus.”
Sa aking pagmumuni-muni, ang pinakaipinagpapasalamat ko sa programang ito ay hindi ang perang inihandog nito sa aming pamilya, kundi ang karunungan na ibinahagi nito sa aking mga magulang. Ang salapi ay maaaring mawala, ngunit ang kaalaman ay mananatili sa atin habang-buhay.
Naalala ko noong mga panahong minsan ay hindi mahagilap ang aking ina ng ilang oras, pumupunta ako sa aking lola upang itanong kung nasaan s’ya. Ang palagi n’ya namang tugon ay, “Ay hindi baga’t nasa meeting ng 4Ps?”
Noon, hindi lubos na nauunawaan ng musmos na batang tulad ko ang kahalagahan ng mga pulong na iyon. Ngunit ngayon, batid ko na ang mga Family Development Sessions (FDS) na iyon ang nagpalakas sa aming pamilya. Dahil sa mga iyon, mas nauunawaan ng aking mga magulang kung paano maging responsableng miyembro ng komunidad at maging mga mabubuting pinuno sa aming tahanan. Ang FDS ang rason kung bakit mas naging malapit ang pamilya namin sa isa’t isa.
Nabanggit ng aking ina na kasabay ng pagtatapos ko ng senior high school, mawawala na rin ako sa programa. Ito ang nagtulak sa aking makipagsaparalan upang kumita ng pera. Nagsimula akong magtrabaho nang part-time tuwing gabi sa isang fast food restaurant upang makatulong sa mga gastusin sa aming tahanan. Papikit-pikit man sa klase kinabukasan, batid kong ang paghihirap na aking pinagdadaanan ay para sa aming kinabukasan.
Malaking bahagi rin ang aking DOST scholarship upang maitawid ang kolehiyo. Kasangga ko rin ang bawat manggagawang Pilipino dahil sa Polytechnic University of the Philippines – Sto. Tomas Branch ako nagtapos (isang state university na pinapatakbo ng buwis ng taong bayan).
Natapos ko ang Bachelor of Science in Electronics and Communications Engineering ng may mga parangal tulad ng “Extension Service Awardee for Extension Service” at “Extra-Curricular Exemplary Awardee.”
Noong makatapos ako ng kolehiyo, naisip ko na agad dumiretso sa pagbabanat ng buto lalo na’t nag-aalala na rin ako sa kalusugan ng aking ama. Sa panahong iyon, pagwewelding ang kaniyang naging trabaho. Ang usok na nanggagaling sa dalawang bakal na pinagdidikit n’ya ang naging mitsa ng pagkakaroon n’ya ng sakit na hika. Kung minsan din ay hindi tumitigil ang pagluluha ng mata n’ya dahil sa malakas na kislap ng liwanag kapag nagwewelding. Dumating sa puntong isang gabi, napapalahaw ang
aking ina:
“Dexter, hanapin mo nga ang eyedrops d’yan sa cabinet, dali! Nagluluha ang mata ng tatay mo!”
Dali-dali kong hinanap ang eyedrops at iniabot ko sa nanay ko. Takot na takot ako noong oras na ‘yon. Alam kong sobrang lubha ng sakit na dinaranas n’ya ngunit pinipilit n’ya na hindi magpakita ng kahinaan sa amin. Lingid sa kaniyang kaalaman, batid ko na hirap na rin s’ya sa walang katapusang paghahanap-buhay.
Dahil dito, nag-apply ako sa iba’t ibang kompanya, ngunit mapait ang kapalaran ng mga fresh graduate na wala pang napapatunayan. Sa tatlong buwan kong paghihintay, isinabay ko ang pag-aaral ng programming at web development para itaas ang aking market value. Lumipas ang mga araw, linggo, at buwan, wala pa ring tumatawag sa akin. Dito ko naisip na magreview na lamang para sa board exam.
Upang masustentuhan ang buhay sa Maynila habang nagre-review, naglaunch ako ng sariling website upang kumuha ng mga kliyente na kailangan ng serbisyo sa tutoring, programming, at web development. Ang mga ibinabayad sa akin sa mga proyektong kinukumisyon ang naglagay ng laman sa aking sikmura at nakapagpapadala rin ako ng pera sa aking pamilya sa probinsya.
Nakakapuno ng isip at nakakaubos ng pawis ang pagrereview para sa board exams habang malayo sa pamilya. Gayunpaman, pinagbutihan ko ang pag-aaral upang hindi masayang ang oras at pagod na aking inilaan.
Nagbunga naman ang lahat, at ang mga ito ang naging inspirasyon ko sa aking kakatapos na talumpati. Ngayong araw ang aming oath taking ceremony at taas-noo kong ipinagmamalaki na ako ang itinanghal na topnotcher sa Board Examinations for Electronics Technician. Naimbitahan akong magtalumpati sa ngalan ng lahat ng bagong propesyonal sa nasabing larangan.
Ang mga ngiti ng aking ama at ina habang ako ay nagsasalita sa entablado ay hindi lang nagbigay ng galak sa aking puso. Ito rin ang nagpaalala sa akin kung paano iginapang ng aming pamilya ang aming buhay sa tulong ng patuloy na diskarte at mga programa tulad ng mga scholarship at ng 4Ps. Tiyak akong ibang-iba ang kalalabasan ng aming buhay kung walang umagapay sa aming pamilya upang umalpas sa sumpa ng kahirapan.
Ang aking diploma at lisensya ang simula sa pagbuo ng mas marami
pa naming pangarap sa buhay.#
Story written by Dexter Astorga, a former child-beneficiary of the Pantawid Pamilyang Pilipino Program from Sto. Tomas City, Batangas, as part of his participation in the Story Writing Workshop for 4Ps Graduates facilitated by DSWD Field Office IV-A last June 19-21, 2024 in Tagaytay City. This workshop provided an opportunity to child-beneficiaries of the program to communicate how the 4Ps help shape and achieve the dreams of children and families through the years.
Dexter currently works as a network engineer in a company based in Muntinlupa City.
NOTE: The DSWD FIELD OFFICE IV-A has been given consent by the subject-writer to post and / or publish the story. Any rewriting or repackaging and reposting / republication of the story without proper citation are considered UNETHICAL and FRAUDULENT. Such actions may be dealt with accordingly by the office. – August 17, 2024.