“Bahay-kubo, kahit munti…,” ang paborito niyang linya sa isang awiting Pilipino. Isang awiting
pambata sa iba ngunit sa kaniya’y isang salmo ng pangarap. Pangarap na pinanday ng
masalimuot na karanasan.

Siya’y apat na taong gulang pa lamang nang magsimula silang magpalipat-lipat at tumira sa apat
na iba’t-ibang tahanan para mabuhay. Sa bahay ng lola siya natutong lumakad. Sa bahay ng tita,
doon siya natutong umawit. Sa bahay ng mga pinsan niya nakita na hindi patas ang buhay. At sa
isang munting kubo sa bukid–walang kuryente, walang maayos na patubig, walang maayos na
palikuran, pinapasok ng tubig at putik kapag umuulan–siya natutong magtiis ng hirap.

Dito sa tagpi-tagping tirahang ito, kung saan mahaba ang gabi dala ng kumakalam na sikmura,
may pag-aalinlangang nakatitig sa madilaw niyang uniporme dagdag pa ang tsinelas na butas na
ngunit ‘di mapalitan, ramdam ang panlalamig hindi dahil sa hangin ngunit dahil sa unti-unting
nasisirang relasyon ng mga magulang at bumabagsak na kabuhayan, siya unang nangarap,

“Bahay, isang tahanan… para sa mahal kong pamilya.”

Siya ang ikaapat na anak sa noon ay pamilya ng limang magkakapatid at isa pang nasa
sinapupunan. Isang malaki at buong pamilya sa isang munting tahanan. Isang payak na
pamumuhay ang lalo pang sinubok ng tadhana nang mawalan sila ng haligi ng tahanan.

Ang ama na dapat sana’y magtutustos sa pangangailangan ng pamilya ay unti-unting nalulong
sa masasamang bisyo–alak, sugal, at mga babae.

Isang buntis na ina ang mag isang umako ng responsibilidad. Habang dala pa ang sakit sa
paglisan ng asawa, pinili ng ina na magpatuloy. Tiniis ang init ng araw sa bukid, nangalakal,
nagtakà, nagtinda ng balut, na tila ba sinubukan ang lahat ng maaaring pagkakitaan. Pilit niyang
binigyan ng tahanan ang mga anak–isang ilaw na nagtangkang maging haligi. Isang ilaw na
patuloy na umaasa na may haliging babalik.

At nangyari nga na ang ama ay bumalik at noo’y naipanganak ang pang-anim na supling. Ngunit
ang ama ay bumalik lamang upang magdulot ng lalo pang sakit. Ang hinintay na haligi ay lalo
lang nagdulot ng kabigatan. Ang ina ay mag-isa pa ring nagtrabaho, habang ang ama ay lalo lang
nagpapakalulong sa sugal at pambababae, ngunit sa kabila nito ay muling nagdalang-tao ang
ina.

Ang munting tahanan ay lalo lang nasira. Labag man sa kalooban ay umalis ang ina upang
humanap ng pagkakakitaan, kasama ang dalawang panganay na lalaki.

Naiwan silang apat na anak sa ama na patuloy na nagpakalulong sa bisyo. Wala silang pagkain
kundi sitsirya at noodles na minsa’y natatapon pa dahil silang mga bata lamang ang
nagtatangkang magluto.

Mga pistahan ang naging pantawid ng kagutuman. Habang sila ay nakikikain at pinupuno ang
sikmura, siya ay napatitig sa mga disenyo ng magandang bahay at sa mga tao na nasa loob nito.
Sa apat na sulok ng tahanan ay may isang masayang pamilya na sama-samang kumakain sa
isang hapag, sa ilalim ng magandang kisame, sa harap ng maraming pagkain. Kaya’t patuloy
siyang nangarap.

“Bahay, isang tahanan… para sa mahal kong pamilya.”

Lumipas pa ang mga araw, siya at ang kaniyang mga kapatid ay lalo lang naghirap sa puder ng
amang nalulong sa bisyo.

Laking pasasalamat nila nang bumalik ang butihing ina kasama ang dalawang panganay na lalaki
at kinuha silang apat na magkakapatid. Noon ay tuluyan na ngang naghiwalay ang mag-asawa.

Minalas sila sa haligi ngunit biniyayaan sila ng isang tila ‘di nagdidilim na ilaw ng tahanan.

Kasama ang anim niyang supling, habang ipinagbubuntis ang bunso niyang anak, pinili ng ina na
magpatuloy. Nagtatangkang muling itayo nang mag-isa ang nasirang tahanan. Ang ilaw ay
ganap nang naging haligi.

“Makakapagtapos sila ng pag aaral,” ang palagiang banggit ng hikahos na ina.

Ngunit paano? Ngunit saan kukuha ng panggastos? Saan kukuha ng ikabubuhay?

Sinubukan ng ina na humingi ng tulong sa mga kapatid ngunit tila takot at sakit ang natanggap.

“Ginusto mo ‘yan. Panindigan mo,” madiing sabi ng tita.

“Huwag mo na silang pag-aralin, pagtrabahuhin mo na,” utos naman ng tito.

Ngunit ang ina ay hindi natinag.

“Makakatapos sila ng pag-aaral. Pagtatapusin ko sila ng pag-aaral!”

Ang ina ay nangarap hindi para sa kaniya ngunit para sa kaniyang mga anak. Nakita ito ng
dalawang panganay na lalaki kaya pinili nilang magpaubaya at maging katuwang ng kanilang
ina. Sila ay nangarap hindi para sa kanila ngunit para sa kanilang mga kapatid.

Ang ilaw ay naging haligi at sinuportahan pa ng dalawang panganay na anak.

“Makakatapos sila ng pag aaral. Pagtatapusin natin sila ng pag-aaral.”

Patuloy silang nangarap, “bahay, isang tahanan… para sa mahal nating pamilya.”

Isang ina at dalawang batang haligi ang pilit na itinataguyod ang pamilya.

Gayunpama’y hindi pa rin naging sapat ang kandili ng mga nagmistulang haligi. Patuloy man sa
pagtayo ay patuloy rin ang pagbagsak ng mga ito. Sa unti-unting pagdilim ng kanilang mga pangarap ay dumating ang isang biyaya na tila ba nagsilbing ikaapat na haligi ng noo’y
bumabagsak na tahanan— ang Pantawid Pamilya Pilipino Program.

Ang pangarap na makapagtapos ay nabigyan ng pagkakataon na umusad.

“Makakatapos sila ng pag-aaral. Pagtatapusin natin sila ng pag-aaral. Sa tulong nito, tayo’y
magpapatuloy.”

Hindi man kalakihan ay may mailalagay na sa bulsa sa tuwing papasok sa eskuwela. Hindi man
mamahalin subalit may naisusumite ng proyekto sa tuwing may ipinapapasa ang guro niya. Ang
noo’y madilaw at gusot niyang uniporme, ngayon ay unat at maputi na. Ang noo’y palaging
hungkag na sikmura’y nalalamanan na ng miryenda.

Sa tulong ng nasabing programa ay nalampasan ang elementarya bilang ika-siyam sa araw ng
pagkilala; nagtapos bilang valedictorian sa sekondarya habang nakasabit sa leeg ang higit sa
sampung medalya. Umusad hanggang kolehiyo at naisuot ang pinapangarap na itim na toga.

Ngayong natamasa niya ang edukasyon ay patuloy ang kaniyang pagtanaw at pag-alala, kung
paano naisalba ng 4Ps ang pangarap ng nakababata niyang sarili na noo’y isa lámang haraya.

Ito ay k’wento ng pangarap, ng sakripisyo, ng pagbangon, at ng biyaya ng Diyos sa harap ng
pagsubok. Ito ay k’wento ng isang batang nagnanais ng malaking pagbabago, at sa tulong ng
4Ps, nabigyang liwanag ang noon ay madilim at masalimuot niyang mundo.

Ang dating bahay-kubo ay malapit nang maging isang matibay na gusaling bato.

Siya ay si Kimberly C. Gonzales, ang noo’y nanirahan sa munting bahay-kubo na ngayon ay unti-
unti nang binubuo ang tirahang pinangarap bilang isang nalalapit na inhinyero.

“Bahay, isang tahanan… para sa mahal kong pamilya.”


Story written by Kimberly C. Gonzales, a former child-beneficiary of the Pantawid Pamilyang
Pilipino Program from Pangil, Laguna, as part of her participation in the Story Writing Workshop
for 4Ps Graduates facilitated by DSWD Field Office IV-A last June 19-21, 2024 in Tagaytay City.
This workshop provided an opportunity to child-beneficiaries of the program to communicate
how the 4Ps help shape and achieve the dreams of children and families through the years.
Kimberly earned a degree in Civil Engineering last 2023.

NOTE: The DSWD FIELD OFFICE IV-A has been given consent by the subject-writer to post and / or publish the story. Any rewriting or repackaging and reposting / republication of the story without proper citation are considered UNETHICAL and FRAUDULENT. Such actions may be dealt with corresponding repercussions by the office. – August 17, 2024.