Sa aming barangay, kilala ang aking tatay bilang nakikipagsabong at kilala naman ang aking ina na mag-iinom. At ako nama’y kilala bilang adik. Ngunit sa puntong ito huwag mo muna kaming husgahan.
Payak kaming namumuhay sa isang maliit ng barangay sa lungsod Tayabas, nakatira sa dalawang palapag na bahay na may butas-butas na dingding, tumutulong bubong at gapok na mga sahig na pagmamay-ari ng magulang ng aking ina. Noon pa man, maagap na akong ginising sa reyalidad ng buhay na ang aming pamilya ay walang sapat na perang kinikita lalo na’t tatlo kaming magkakapatid na inilalaban ng aking mga magulang upang mabuhay.
Marahil ngayon ay nagtataka na kayo kung bakit sa ganitong uri na nga ng pamumuhay ay nagagawa pang makipagsabong ng aking ama. Tama naman, ganung uri ng tao ang aking ama sapagkat kagaya ng isang tandang, siya ay nauuna pa sa sikat ng araw na nakikipagsapalaran sa buhay. Siya ay hinahagupit ng malataring pagsubok at sinasabong ng mga bayarin na pinagkakautangan upang matugunan ang aming pangagailangang pampersonal at pampaaralan.
Ngunit ganun pa man, nanatili pa rin siyang nakatindig at lumalaban malampasan lang namin ang isang araw ng buhay. Sa katotohanan ay isa talagang magiting na magsasaka ang aking ama. Kaya ako’y hangang-hanga sa kanya sapagkat hindi man niya nasasabi sa amin nang personal na ikinararangal niya kami, nararamdaman ko naman kung gaano ang kagustuhan niyang magtagumpay kaming mga anak niya.
Sa kabilang banda naman ay ating pag-usapan ang aking ina. Siya’y isang mag-iinom at ikinararangal ko yun! Sapagkat kagaya ng aking nabanggit, nilulunok niya lahat ng bagay gaano man kapait ang kanyang naririnig sa mga taong hindi nabibilib sa kanyang kakayahan dahil ang tingin sa kanya ay may kulang.
“Ano ba yan? Nag-anak na naman, wala namang pangsustento!”
“Anak nang anak ng madami kaya hindi maibili man lang ng luho ang kanyang mga anak!”
Iyan ang kadalasang naririnig ng aking ina sa mga kamag-anak at kakilala namin, kung kaya’t saan daw niya nakuha ang lakas ng loob na magsilang ng tatlong sunod-sunod na ni wala naman daw sapat na kinikita. Kinutya siya ng karamihan sapagkat maiituring na kolehiyo ang tinapos ngunit nasaan siya ngayon? Ang hindi nila alam, ang aking ina’y kagaya ng alak, purong magmahal at matapang.
Natatandaan ko noong ako’y nasa elementarya, sa tuwing nalalapit ang muling pagbubukas ng taong panuuran sa aming paaralan, nangangamba na ang aking mga magulang kung saan kukuha ng perang pambili ng gamit sa paaralan. Naranasan ko noon na ang gamit kong bag, uniporme, sapatos at iba pa ay hingi ng aking ina sa mga kakilala. May pagkakataon pang kailangang gumamit ng kanin may maipangdikit lang. At kadalasang sa umaga, ipapangutang pa ang babaunin naming tatlo upang makapasok lang sa esk’wela.
Ngunit noong minsang umayon sa amin ang panahon, naglungsad ang gobyerno ng programang 4Ps at kami’y napabilang. Agad itong ikinatuwa ng aking ama’t ina sapagkat sa wakas kahit paano ay matutulungan nito kaming matugunan ang aming pangangailangang pinansyal.
Pamula sa paggamit ng kanin bilang pandikit, naranasan ko nang makagamit ng glue. Nakakabili na rin kami ng bagong bag, uniporme, sapatos at iba pang bagay. At sa mga pagkakataong iyon, hindi na namin kailangang mangamba.
Nakakatuwa sapagkat tuwing nagkakaroon ng Family Development Session (FDS), palaging mayroong bibit na aral ang aking ina sa tuwing uuwi siya, pamula sa mga simpleng aral hanggang sa mga karapatang pantao na dapat daw ay ating tinatamasa. Ito ay kanyang ikik’wento sa amin pag-uwi niya ng tahanan. Malaking tulong iyon sapagkat marami sa ating hanay ang hindi nakababatid ng mga ganung bagay kung kaya’t nananatiling mataas ang bilang ng mga mahihirap na Pilipinong naaabuso.
Nabanggit ko rin sa itaas na ako’y isang adik, pero hindi sa nakakalasong bato kundi sa mga aral na alam kong sa aki’y makatutulong upang maiahon ang kinalalagyan ng aking pamilya mula sa putik ng kahirapan. Nilalaro-laro ako ng usok ng mga pangarap at ito’y aking hinahanap-hanap. Sininghot, inip-ip lahat upang hindi na maging usok lang ang aking pangarap na nakikita ngunit hindi nadarama. Naging dilat ako kagaya ng adik na tila mulat sa realidad ng buhay na hindi dapat kami nararapat pang magtagal sa ganitong uri ng pamumuhay, na kung saan kinakailangang kumahig upang makatuka ng kakarampot na oportunidad. Pamula noon, ipinangako ko sa aking sarili na sa paglabas ko ng rehabilitasyon ng kahirapan, ako’y hindi na isang payat at kumakalam ang sikmura, kundi isang taong unti-unting nagbabago ang buhay sa mahirap na mundo.
Kung kaya’t sa ngayon, ipinagmamalaki kong isa na akong lisensyadong guro. Kung babalikan ko ang panahon, hindi magiging madali ang pagkamit ko nito kung hindi kami napabilang sa programang 4Ps. Sapagkat ito rin ang mistulang naging pasaporte ko sa Southern Luzon State University upang makapasok.
Magpahanggang sa ngayon, hindi ko pa rin nakikita ang sarili ko bilang isang matagumpay na tao sapagkat sa tuwing titingnan ko ang sarili at pamilya ko, kami’y nasasatagpo pa lang ng proseso at progreso. Hindi ganun kabilis ang pag-asenso ngunit may nababago. At bago matapos ang sulating ito, ikinalulugod kong ipagmalaki na ang dating butas-butas naming dingding, tumutulong bubong at marupok na sahig ay ngayo’y isang matibay at matatag ng bahay na puno ng pagmamahal.
Sa aming mga karanasan, napatunayan ko na sa lahat ng hamon ng buhay, gaano man ito kahirap, kasakit o kapait, sa pagitan ng dilim ay magkakaroon ito ng puwang na mula sa liwanag at hindi Niya tayo pababayaan. Patuloy lamang magtiwala at manampalata sa Kanya dahil walang imposible kung patuloy tayong maniniwala.
Sa paggamit ko ng mga salitang nagsabong, mag-iinom at adik–mga salitang naging kakambal na ng pagiging benepisyaryo ng 4Ps na ginagamit ng iba upang pangkutya–nais kong mapatunayan na hindi totoo ang mga panghuhusga.
Sa aming pamilya, ginamit namin nang angkop ang mga oportunidad at patuloy kaming nagpursige at nagpunyagi. Kami ay buhay na patotoo na isa ang aming pamilya sa binago ang buhay ng programang ito.
Tunay ngang sa buhay, 4Ps ang sagot–Pangarap, Pagsisikap, Pagpupunyagi, at Pananampalataya!
***
Story written by Deniel R. Lubiano, 23, a former child-beneficiary of the Pantawid Pamilyang Pilipino Program from Tayabas City, Quezon, as part of his participation in the Story Writing Workshop for 4Ps Graduates facilitated by DSWD Field Office IV-A last June 19-21, 2024 in Tagaytay City. This workshop provided an opportunity to child-beneficiaries of the program to communicate how the 4Ps help shape and achieve the dreams of children and families through the years.
Deniel is the eldest of three siblings and has earned his professional license as a teacher during the March 2024 Licensure Examination for Teachers.
NOTE: The DSWD FIELD OFFICE IV-A has been given consent by the subject-writer to post and / or publish the story. Any rewriting or repackaging and reposting / republication of the story without proper citation are considered UNETHICAL and FRAUDULENT. Such actions may be dealt with accordingly by the office. – August 17, 2024.