Hanggang saan ako kayang dalhin ng pangarap? Hanggang saan ko kayang mangarap? Mapuputol ba ang dinaranas na paghihirap? Uunlad kaya ang buhay ko sa hinaharap?
Halika, inaanyayahan kitang lakbayin ang buhay ko sa pakikipagsapalaran sa kahirapan.
Naalala ko pa noong ako ay bata pa, ang dami kong gusto.
Hindi naging madali ang buhay sapagkat kami ay salat sa salapi at materyal na bagay—mga pagkaing limitado, bahay ay hindi sagrado, ang pinto ay hindi maayos ang sarado. Ang aking Ama ay halos araw-araw na nag-aarado upang magkaroon ng tinapay at kaning mailalagay sa lamesa at plato. Ang aking Ina ay araw-araw na nagtuturo ng mga letra sa mga mumunting bata na may mumunting pangarap. Ang aking Ina na halos araw-araw ay nagtatanim upang sa pagdating ng araw na walang kakainin ay may aanihin.
Naalala ko pa ang mga oras na hindi magkanda-ugaga ang aking mga magulang sa pagpigil sa tulo ng ulan na nagmumula sa kalawangin naming bubong. Naalala ko pa na nag-aagawan kami ng aking kapatid sa piniritong tuyo na nakain lang ng pusa, at ‘yong tsinelas kong nilalagyan lang ng kawad at pako para maisuot ko pang muli. ‘Yong mga oras na ako ay nasa elementarya na pinagkakasya ko ang baon kong tatlong piso sa maghapong pakikipagsapalaran ko sa paaralan.
Ang taas ng pangarap ko. Sabi ko sa sarili ko, iaahon ko sa hirap ang pamilya ko, puputulin ko ang sumpa ng kahirapan na dinaranas ng magulang ko.
Sa kabila ng kahirapang aming nararanasan ay and’yan ang ating Panginoong Diyos na palaging umaalalay at gumagabay sa mga gawain sa pang-araw-araw na buhay. Nagdaan ang mga araw, buwan at taon at ako ay nakatungtong sa Mataas na Paaralan ng Buenavista sa aming bayan. Mas lalong nahubog ang aking kaalaman at kakayahan sa mga bagay-bagay patungkol sa ating edukasyon.
Ngunit ang buhay ay patuloy na hindi naging madali. Sa pagtaas ng estado ng pag-aaral ay pagtaas din ng mga bilihin at bayarin, hatid nito ang lalong suliranin sa aming pamilya.
Sa dinami-rami man ng mga pagsubok sa aming pamilya, sa kabila ng kahirapan, ay buong puso akong tumitindig na isa ang pamilya ko sa milyun-milyong pamilya na natulungan ng 4Ps. Ito ang programang umakay sa akin upang mapagtagumpayan ko ang pag-aaral ko sa sekondarya at ganon din ang aking kapatid.
Tuwing ikalawang buwan ay tumatanggap kami mula sa programang ito ng cash grant na s’ya namang naipangtu-tuition, allowance at pangbayad sa service. Dahil dito, naihuhulog na savings sa bangko ang ibang kita ng aking mga magulang.
Noong ako ay tumuntong ng kolehiyo ay hindi naging madali ang buhay, lalo na at ako ay nasa pribadong paaralan na may kamahalan ang matrikula. Buwan-buwan ay problema ang bayarin—sa allowance, tuition, sa upa sa boarding house, pang-proyekto, at madami pang iba.
Ramdam ko ang paghihirap ng aking pamilya sapagkat hindi na nila alam kung saan nila kukuhain ang perang ipampapadala sa akin. Ang limang daang piso ay hindi talaga sapat sa budget ko sa buong isang linggo. May pagkakataon na hindi ko sinabi sa magulang ko na naubos na ang budget ko dahil ayaw kong problemahin pa nila ang ipampapadala sa akin.
Dahil dito, nasubukan ko na manghiram sa kasamahan ko sa boarding house ngunit walang nagmagandang-loob. Kumakalam na talaga ang tiyan ko at talagang gutom na gutom na ako, kung kaya’t naisip kong mangutang sa kalapit na tindahan ng tinapay at noodles. Ngunit nadurog ang puso ko at tuluyang pumatak ang mga luha ko sa sinabi ng may-ari ng tindahan.
“Ngayon ay araw ng linggo, malas ang pagpapautang, hindi kita mapapautang. Ikaw ay umalis na lang,” ang sabi ni Aling Dory, ang may ari ng tindahan.
Dali-dali akong umuwi ng boarding house at hindi ko napigilang umiyak nang lubusan, sinabi ko sa sarili ko na ayaw ko na itong maranasan kailanman.
Sapagkat ako ay isang anak-dalita, ang mga kataga ni Aling Dory ang mas lalong nagbigay ng kaliwanagan na kailangan kong umalis sa dinaranas naming kahirapan. Ang paghapdi ng aking bituka ay kayang pigilan ngunit ang pagtilas ng likido sa aking mata ay hindi kayang maawat.
Nagdaan pa ang mga taon at mas lalo pang humirap ang buhay lalo na at lumaganap pa ang pandemya na mas lalong nagpalubog sa aking pamilya. Mabuti’t nariyan ang 4Ps na s’ya namang umakay at tumawid sa amin.
Marami silang programa na nakatulong sa aking pamilya at sa iba pang benepisyaryo. Hindi lamang cash grant ang naipamahagi nila, nagbahagi rin sila ng napakagandang FDS (Family Development Session) na s’yang naglalaman ng ibang mga kasagutan sa mga suliranin ng pamilya.
Ang FDS ay nakatulong upang mas mapalakas ang ugnayan ng pamilya tulad ng building positive behavior sa mga kabataan. Itinuro rin maging ang pag-iwas sa bisyo, ang pagma-manage ng oras upang walang masayang na kahit na ilang segundo at mailaan sa mga kapaki-pakinabang na gawain hindi lamang sa tahanan bagkus sa komunidad. Ang financial management ay isa rin sa mga naging topic ng programang ito upang maibalanse namin ang tamang paggamit ng pera. Ang pangangailangan ng pamilya ang mas dapat nating pagtuunan ng pansin kaysa mga bagay na gusto lang natin.
Sa tulong din ng FDS ay napagtagumpayan ko ring takasan at labanan ang stress at anxiety na dulot ng pandemya. Dahil sa pandemya, miski ako na isang mag-aaral na punung-puno ng pangarap sa buhay ay tinamaan ng stress at hindi ko na alam kung paano ang tamang pag-handle sa tambak-tambak na gawain na pangpaaralan.
Nang nagsabay na kami sa kolehiyo ng isa ko pang kapatid, mas lalo itong nagpakuba at nagpabigat sa pasanin ng aking mga magulang. Napapaiyak na lang ako sapagkat hindi ko alam kung ano ang magagawa ko. Pinasok ko ang ibat-ibang trabaho tulad ng pagkakarpintero, nagtinda ako ng ibat-ibang produkto, at maging ang pagde-deliver ng mga mineral water sa mga bahay-bahay para may pandagdag na baon na hindi ko na hihingin sa magulang ko.
Sa kabila ng mga ito, hindi ko pinabayaan ang aking pag-aaral. May pagpupursige at buong-puso kong binigyan ng pansin ang aking pag-aaral. Sunog kilay, ika nga! Nakakapagsumite pa rin ako ng mga proyekto at modyul, maayos ko pa ring nagawa ang mga pananaliksik, at hindi ako lumiban sa klase. Nais kong patunayan na kahit mahirap ang buhay ay kaya kong magtagumpay.
“Tanging edukasyon lang ang maipapamana namin sa inyo ni Mama mo, kaya’t paghusayan n’yo ang pag-aaral n’yo,” sambit ng aking mahal na Ama habang kami ay kumakain sa hapag-kainan.
Pinursige at pinagbuti ko nang husto ang pag-aaral ko. Dumating ang aming internship at mas lalo kong pinatunayan sa sarili ko ang propesyon na napili ko. Buong puso kong inilaan ang aking kakayahan para rito at napagtagumpayan ko ang initial at final demo ko. Binuhos ko ang lahat ng lakas ko dahil ito ay para sa mga magulang ko.
“Moong, Denver R.,” tinawag ang pangalan ko at ako’y agad na tumayo.
“Mama! Tara na sa stage at may surpresang naghihintay sa’yo,” ang pagkasambit ko sa aking Ina sa mismong araw ng graduation ko na tila ba ako ay nakasakay sa ulap.
“Moong, Denver R., Outstanding Pre-Service Teacher, Outstanding Classroom-Based Action Researcher, Outstanding E-Portfolio Presenter, BEED Department Service Awardee for being Vice President-Internal 2022-2023,” ang nakakanginig na sambit ng aking guro na si Ma’am Hazel.
Walang kaalam-alam ang magulang ko na ako ay nagtamo ng mga award, ang sinabi ko lang sa kanila ay gagraduate na ako.
Ang tagumpay ko ay tagumpay ng magulang ko. Ang kanilang pagtitiis at pagsusumikap ay masusuklian ng pagtupad sa mga pangarap—ang maiahon sila sa kahirapan, ang mapagawaan sila ng komportableng tahanan at ang maibigay ang buhay na nararapat para sa kanila.
Ngayon na degree holder na ako at isang lisensyadong guro na rin ay hindi matatapos ang paglinang ko sa mga kakayahan at kaalaman upang mapalago ang aking sarili tungo sa pagiging epektibo at may kahusayan sa pagtahak sa buhay tungo sa tagumpay.
Hanggang saan ako kayang dalhin ng pangarap?
Ito ang nagdala sa akin tungo sa tunay na tagumpay ng buhay. Wala itong hangganan at nararapat na tuluy-tuloy at hindi tayo titigil sa pagbukas ng pinto tungo sa tagumpay. Mapuputol ang kahirapan kung ang puso’t isipan ay nagtataglay ng pagsusumikap, dedikasyon at kaalaman. Walang duda na ikaw mismo ang aani ng itinanim mong pagsusumikap upang maabot ang iyong minimithiing pangarap at magtiwala ka, uunlad ang buhay mo sa hinaharap.
Ikaw na nagbabasa nito, maaari ko bang marinig ang istorya ng tagumpay mo? Anyayahan mo naman ako upang lakbayin ang buhay mo. Hanggang sa muli, paalam!
***This story is written by Denver Moong, a former 4Ps monitored child from Buenavista, Quezon, as part of his participation in the DSWD Field Office IV-A’s Salaysay ng Buhay ng Pamilyang Pantawid 2023. [Original copy written last July 2023 and updated as of May 31, 2024]