Kwento ni Angelica Mae Fontanilla, isang dating batang-benepisyaryo ng 4Ps na ngayon ay isa nang kawani ng Kagawaran.
*******
Madilim pa ang umaga ngunit maagang gumising ang aking papa Lanie. Pagkatapos ng ilang sandali ng pagbabanat ng mga ngalay at pagod na buto ay dali-dali rin s’yang humigop ng mainit na tubig. Kaunting init sa t’yan ay nagtungo na siya sa palayan dala ang paod ng kalabaw at lumang araro, tila ba hindi na niya alintana ang lamig na dulot ng hamog na patuloy na bumabagsak mula sa alapaap.

Ilang tilaok pa ng manok sa dilim ng umaga ay bumangon na rin si Mama Divine. Maagang nagsangag ng tirang kanin upang may agahan kaming pagsasaluhan sa mesa.

Sila ate, bagaman babae, ay gigising na rin ng alas kwatro ng umaga upang magtungo sa palayan para tulungan ang aming papa sa pagtatalok. Ako naman at ang mga nakababata kong kapatid ay mag-uusong ng mga damit patungo sa sapa upang tumulong kay mama sa paglalaba.

Naalala ko palagi kong naririnig kay papa at mama, “Hindi ninyo obligasyon na tulungan kaming magulang niyo sa usaping pera, makita lang namin na makapagtapos kayo at maayos ang tinatahak ninyong buhay ay panatag na kami.”

Bilang bata, wala akong reaksyon dito dahil hindi ko pa masyadong naiintindihan ang ibig nilang sabihin. Pero noon pa man, pursigido akong makatapos ng pag-aaral upang makahanap ng trabaho at makatulong sa aking pamilya.

Ngunit habang lumilipas ang panahon ay mas namumulat ako sa reyalidad, mas
nararamdaman ko na hindi ganoon kadali ang buhay at hindi lang iisang problema ang kakaharapin ng pamilya. Hanggang ngayon, sariwa pa sa isipan ko ang mga pagsubok at hirap sa buhay na naranasan namin.

Kami ay nakikitirik lamang ng bahay sa lupa na pinagtatrabahuhan ng aking ama bilang isang tenant at magsasaka. Pilit naming pinagkakasya ang sarili namin sa munting kubo na gawa ng aking ama. Sa tuwing may bagyo na parating, kailangan naming pumunta sa Brgy. Hall dahil tiyak masisira ang aming kubo. Panibagong pagod at gastos na naman para sa paggawa muli ng kubo.

Sa gabi, gasera lang ang tanglaw namin sa dilim kaya pagsapit ng alas kwatro ng hapon impunto, kailangang nagawa na namin lahat tulad ng pagkain ng hapunan, paghuhugas ng mga pinagkainan, paglilinis ng katawan, at paggawa ng mga takdang aralin. Kung nanaisin man namin na makapanuod ng sikat na teleserye, limang minuto pa ang aming lalakarin upang makarating sa pinakamalapit naming kapitbahay na may telebisyon.

Sa halagang 300 pesos na kita niya sa pagpapaupa sa bukiran o minsan ay 400 pesos kapag katuwang ang aking mga kapatid ay hindi talaga sapat lalo na’t lima kaming nag-aaral. Kung kaya madalas na pawang mantika ng niyog at toyo ang hinahalo namin sa kanin upang magkalasa ito. Minsan gata na may asin o kaya asukal. Nakakalungkot ang mga ganitong pagkakataon kung kaya labis ang tuwa naming pamilya kapag may masarap kaming ulam tulad ng karne at manok, pero isang beses lang mangyari ito sa loob ng isang buwan.

Maging sa ambagan at pambaon namin sa esk’welahan, madalas hindi umaabot sa budget. Nahihiya ako sa mga kaklase at kaibigan ko sa tuwing mababanggit na isa ako sa wala pang ambag at sa tuwing kinukutya ako dahil wala akong pambili ng pagkain tuwing recess, binabaling ko nalang ang atensyon ko sa pagbabasa ng libro sa isang sulok kasabay ng pagpatak ng luha ko at palihim na pagpahid nito.

Bilang isang bata, hindi ako masaya sa klase ng buhay na mayroon kami. Naiinggit ako sa mga kapwa ko bata na may kakayanan ang pamilya na makabili ng mamahaling pagkain, magagandang gamit sa bahay at eskwelahan, at tumira sa sementong bahay.

Nasa ikalawang baitang ako nung nagkasakit ako. Bigla nalang akong mawawalan ng malay kahit maayos naman pakiramdam ko. Dahil sa kakulangan sa pinansyal ay hindi ako magawang dalhin sa ospital o kahit sa klinika para makapagpacheck-up. Albularyo ang naging doctor ko noong mga panahon na ‘yun na walang kasiguraduhan kung mapapagaling ba niya ako. Hanggang sa nawala nalang ang iniinda kong sakit, siguro dahil nagsawa nalang din ang katawan ko sa iba’t-ibang klaseng dahon na tinatapal sa katawan ko.

Makalipas ang limang taon, sina mama, papa at iba ko pang kapatid ay nagising sa isang malakas at nakakakabang tawag mula sa kumare ng magulang namin na noon ay maagap na naglalako ng pandesal.

“Mareng Divine! Pareng Lanie,” sigaw ng kumare nina papa at mama.

Mga ilang sandali pa, narinig kong nagtanung si mama, “Ano iyon mare?”

“Ang inyong anak na si Arra ay naaksidente. Dinala na sa Lucena, pinapasabi ni Aileen (panganay kong kapatid),” agad niyang sambit.

Nang malaman ng magulang ko ang impormasyon, agad silang naggayak ng mga gamit upang sa pagliwanag ay agad silang makapagpahatid sa habal-habal patungo sa bayan. Hindi na nila inisip kung may hawak ba silang pera, ang mahalaga sa kanila makita ang kalagayan ni ate at malinawan sa nangyari.

Si ate Arra (sinundan ko) ay naaksidente sa pagpapractice ng cheerdance para sa gaganaping school activity sa pinag-aaralan niyang kolehiyo. Ito ang pinakamahirap at talagang sumubok sa pamilya namin. Mahigit isang buwan siyang nasa ICU at lahat ng pwedeng lapitan para mahingan ng tulong ay ginawa ng pamilya ko. Doon namin mas nakilala ang mga tao na totoong may malasakit sa kapwa nila. Dumating sa punto na nawalan na kami ng pag-asa. Mapapatanong nalang talaga sa Kanya kung bakit sa katulad naming hikahos sa buhay nangyayari ang mga ganitong pagsubok na kinakailangan ng matinding gastos. Pero mabait ang Panginoon, hindi niya kami pinabayaan. Gumaling ang ate ko at nagpatuloy sa pag-aaral sa kolehiyo hanggang sa makapagtapos.

Tama ang sinasabi ng mga mas nakakatanda, “sa bawat unos ay may bagong pag-asa.”

Taong 2008, napabilang ang pamilya namin bilang isa sa mga benepisyaryo ng 4Ps. Ako at ang aking dalawang nakababatang kapatid ang naging monitored children. Kahit papaano ay may dumagdag na katuwang sina mama at papa sa pag-aaral naming mga nag-aaral pa.

Noong nasa kolehiyo na ako, bitbit ko ang mga aral at pagsubok na naranasan ko noong nasa elementarya at sekondarya ako. Mas naging matibay ako at palaban sa ano mang problema na dinanas ko tulad ng kakulangan sa allowance, pakikisama sa iba’t- ibang uri ng pag-uugali ng tao, mag-isang resolbahan ang problema sa paaralan at higit sa lahat, ang manirahan sa kabihasnan na hindi ko kinasanayan.

Gayunpaman, sa tulong ng pagsusumikap ko, ng magulang, nakatatandang mga kapatid, at ng 4Ps, nakatapos ako ng kolehiyo at sa parehong taon (2019) ay nakapasa rin ako ng Board Exam para sa mga guro.

Sa kasalukuyan, ang pamilya namin ay graduate na bilang myembro ng programa. Malaki ang pasasalamat ng pamilya ko sa pagkakataong binigay sa amin. Sa katunayan maraming positibong pagbabago sa pamilya namin.

Hindi na nina mama at papa kailangang gumising ng sobrang agap upang gampanan ang mga responsibilidad nila sa pamilya sapagkat kinakaya na naming mga anak na suportahan ang pangangailangan nila kahit may sarili na kaming pamilya.

Ngayon nasasabi na namin na “Ma, Pa, palagi man ninyong sinasabi sa amin noon na hindi namin responsibilidad na tulungan kayo financially, pero hayaan ninyo na suklian namin ang mga pagsisikap lalo na nong mga panahong mainit na tubig lamang hinihigot niyo sa umaga para mapalaki kami nang maayos at pag-aralin.”

Kahit anong oras nakakapanood na kami ng mga teleserye sa matibay at sarili naming tahanan at higit sa lahat, komportable nang nakakatulog sa gabi sa sarili naming mga kwarto. Mas madalas na kaming makapag-ulam ng masarap at nabibigyang pansin na ang mga luho bukod sa mga pangunahing pangangailangan.

Sa tuwing hindi maganda ang pakiramdam, napapacheck-up na namin sa ospital o sa kilinika. At sa aming pitong magkakapatid, tatlo na kaming nakatapos ng kolehiyo. Ako at si ate Arra ay lisensyadong guro na. Ang dalawa kong nakababatang kapatid ay kasalukuyan naming sinusuportahan sa pag-aaral hanggang sa makatapos din sila.

Sa mga karanasan naming ito, malaki ang pasasalamat ko sa magulang ko sa pagiging matatag nila. Tunay na bayani sila.

Ganundin, pasasalamat din sa 4Ps sa pagtulong sa aming pamilya hindi lamang sa conditional cash grant na natanggap namin kundi sa mismong disenyo nito. Mas lumawak ang pang-unawa sa kahalagahan ng pag-aaral, tamang pasilidad na pupuntahan, at pagiging responsableng m’yembro ng pamilya at mamamayan. Tiyak na babaunin namin lahat ng ito upang hindi na kami bumalik sa buhay na mayroon kami noon.

Ang sarap lang balikan ng nakaraan, akala ko hindi pa kami umuusad pero mali pala ako, dahil ang totoo, malaki na ang mga pagbabago. Salamat sa lahat ng hirap at sakit noon, mas naging matibay kami ngayon.

Alam kong maraming beses pa ako at pamilya ko na susubukin ng mundo, marami pa kaming pangarap kaya laban lang habang sinasamahan ng taimtim na panalangin sa Kanya.

Ako si Angge, mananatiling babangon para harapin ang reyalidad ng buhay. Isa na ako ngayong empleyado ng DSWD bilang Municipal Link. Ang dating tinutulungan, ngayon ay tumutulong na.#

*****

Ang kwento ay isinulat ni Angelica Mae Fontanilla at isa ito sa mga pinagsama-samang kwento ng mga dating batang-benepisyaryo ng 4Ps sa CALABARZON sa librong Istorya – Mga Kwento ng Pagsisikap para sa Pangarap.