Noong nakaraang buwan, pormal nang binuksan ng Manggahan Sustainable Livelihood Program Association (SLPA) ang kanilang tahian sa Brgy. Manggahan, San Luis, Batangas.
Ang Manggahan SLPA ay binubuo ng 14 na kababaihan na nagtulung-tulong para sa pagbubuo ng kanilang grupo at pagpaplano ng kanilang negosyo. Ang kanilang puhunan ay nagmula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD na nagkakahalaga ng PhP 210,000. Ang puhunan na ito ay kanilang ginamit na pambili ng walong makina para sa pagtatahi ng mga ‘school uniforms’ at iba pang pasadya tulad ng kurtina at punda.
“Nais naming mapalago at mapaunlad ang aming tahian,” ani Baby Lea Hernandez, ang presidente ng samahan.
Para sa kanilang grupo, ang tahian na ito ay isa sa makatutulong sa kani-kanilang pamilya upang mas mapaunlad ang kanilang pamumuhay.
Sa hinaharap, nais din ng grupo na buksan ang kanilang tahian upang matulungan ang ibang mga ka-barangay na kumita rin para sa kanilang mga pamilya.# [with reports from SSRomias]