October 06, 2026 – Mula ika-17 hanggang ika-29 ng Setyembre 2026, hindi bababa sa 155 residente mula sa siyam na Sustainable Livelihood Program (SLP) Association sa Cavite ang pinalakas ng DSWD upang magsimula ng mga pangkatang negosyo sa ilalim ng SLP. 

Nakatanggap ang mga asosasyon, na mula sa mga bayan ng Magallanes, Indang, at General Emilio Aguinaldo, ng kabuuang PhP 2.725 milyon na seed capital fund bilang paghahanda sa kanilang mga itatayong negosyo, gaya ng hog-raising, poultry production, weaving, sari-sari store, food catering, at iba pa. Iginawad naman sa bawat grupo ang puhunang katumbas ng PhP 20,000 bawat miyembro.

“Nangangako kaming gagamitin namin ang pondo ng asosasyon nang wasto at responsable, alinsunod sa approved livelihood project, association policies, at applicable SLP guidelines,” pagsasaad ni Cherri Ann Matilla, pangulo ng Indang PWD SLP Association, na kabilang sa mga planong magtayo ng rag making at weaving business.Dagdag ni DSWD Project Development Officer Nora Mojica, isinailalim na rin ang mga asosasyon sa mga pagsasanay sa canvassing at procurement upang maihanda sila sa paggamit ng kanilang pondo.

Sa implementasyon ng SLP, kabilang ang seed capital fund at mga pagsasanay sa mga suportang ibinibigay ng DSWD sa mga kwalipikadong indibidwal upang makapagsimula sila ng mga pangkatang negosyo na makapagbibigay ng pangmatagalang dagdag kita sa kanila at kanilang mga pamilya.  [with reports from NMMojica/LAApalla]