October 05, 2026 – “Kahit malayo po kami, naabot pa rin kami ng [SLP]. Maraming salamat sa lahat ng naging instrumento upang mabigyan ng pagkakataon ang aming mga mangingisda. Hindi po namin bibiguin ang tiwalang ibinigay sa amin at hindi rin namin bibiguin ang isa’t isa.”
Ito ang naging pahayag ni Ramil Baloro, pangulo ng Buklod Mangingisda ng Burdeos Sustainable Livelihood Program (SLP) Association, matapos nilang makatanggap ng may kabuuang PhP 420,000 na tulong-puhunan noong ika-22 ng Setyembre 2026.

Planong gamitin ng asosasyon, na binubuo ng 21 mangingisda, ang kanilang natanggap na puhunan upang magsimula ng negosyong bangus farming sa ilalim ng SLP.
Bukod sa puhunan, nauna na ring sumailalim ang mga miyembro sa iba’t ibang pagsasanay sa organizational leadership at pagnenegosyo.
Pagbabahagi ni DSWD Project Development Officer Melody Del Rosario, nakatanggap na rin sila ng pagsasanay sa milkfish culture at marketing mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) isang araw matapos matanggap ang puhunan.
Sa ilalim ng SLP, pinalalakas ng DSWD ang mga sektor gaya ng mga mangingisda na magsimula ng mga pangkatang negosyo na makapagbibigay ng pangmatagalang dagdag kita sa kanila at kanilang mga pamilya. [with reports from MFDelRosario]
