May 06, 2026 – Sa isang madilim na sulok ng aming munting tahanan, kung saan ang aninag ng gasera ay tila nakikipagpatintero sa dilim, may hawak akong isang kayamanan. Hindi ito ginto, hindi rin ito pilak. Ito ay isang munting sobre, luma, kupas, at may bahid na ng pawis at alikabok ng panahon. Ngunit para sa batang ako, iyon ang aking lihim na kaharian.

Sa loob nito, maingat kong itinatago ang aking mga “pangarap na ginupit” mula sa mga lumang magasin: mga batang nagbabasa sa ilalim ng puno, at gurong may ngiti habang nagtuturo. Napapatitig ako sa mga ito at tinatanong ang aking sarili, “Magiging sapat kaya ang gupit na papel na ito para baguhin ang takbo ng buhay ko?”

Lumaki ako sa pagitan ng pagod at pag-ibig. Ang aking ama ay isang manggagawang ang mga palad ay kasing-aspalto na ng kalsadang kanyang ginagawa. Magaspang, may mga sugat, at puno ng kalyo. Uuwi siyang hapong-hapo, ang kanyang balikat ay tila pasan ang buong bigat ng mundo, ngunit sa sandaling iabot niya ang supot ng tinapay at isang maliit na garapon ng peanut butter, naglalaho ang lahat ng paghihirap nya.

Ang aking ina naman ang nag-aalaga sa amin. Sa kabila ng matinding kakapusan, tinitiyak niyang ang aming mga uniporme ay kasing-puti ng ulap. Naaalala ko ang tunog ng kanyang pagkakuskos sa labahin tuwing madaling-araw. Bawat kuskos ay tila isang panalangin na sana’y may magandang bukas na sa ami’y nakaabang. Natutunan ko sa kanila na ang pagmamahal ay nasusukat sa bawat patak ng pawis at sa bawat sakripisyong pilit nilang itinatago sa likod ng kanilang mga ngiti.

Naalala ko pa, tuwing panahon ng pasukan, ang katahimikan sa hapag-kainan ay mas mabigat kaysa sa ingay ng bagyo. Iyon ang katahimikan ng pag-aalala, kung saan kukuha ng pambili ng notebook, kung paano pagkakasyahin ang pera para sa matrikula at uniporme.

“Hanggang kailan kaya kami kakapit sa barya-baryang pag-asa?” tanong ko sa aking sarili habang hinihimas ang gilid ng aking munting sobre.

Sa paaralan, naging diskarte ko ang mabuhay sa “tira-tira.” Kapag may papel na itinatapon ang aking mga kaklase, nagpapaiwan ako sa loob ng silid-aralan upang kunin iyon sa basurahan. Buburahin ko ang bakas ng lapis hanggang sa maging malinis muli ang pahina, papatagin ang lukot, at gagamitin para sa aking mga tala. Kapag wala akong baon, hihingi ako ng piso para makabili ng isang lollipop. Matagal itong maubos; isang matamis na paraan para makalimutan ang gutom habang nakatingin sa mga kaklaseng may masasarap na sandwich.

Taong 2014 nang magbago ang takbo ng aming kuwento. Naging bahagi kami ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Noong una, akala ko ay tulong pinansyal lamang ito para sa pagkain at gamot, ngunit mali ako. Ang 4Ps ay naging hangin sa ilalim ng aming mga pakpak. Ang mga umagang dati ay walang laman ang tiyan ay napalitan ng sapat na agahan. Ang mga lumang sapatos na butas na ang talampakan, na tila humahalik na sa lupa sa bawat hakbang, ay napalitan ng bago.

Ngunit higit sa tulong pinasyal, ang FDS [Family Development Session] ang humubog sa aming pagkatao. Doon namin natutunan na ang kahirapan ay hindi isang sumpa o kapalaran, kundi isang hamong dapat harapin nang sama-sama.

Nagsimula kaming mag-usap bilang pamilya, magplano para sa kinabukasan, at mangarap nang kolektibo. Sa bawat session, muli kong hinahawakan ang aking munting sobre at tinatanong ang aking sarili, “Paano kung noon pa dumating ang tulong na ito? Gaano kaya kalayo ang mararating ng mga pangarap na nakasiksik dito?”

Dinala ko ang disiplinang ito hanggang kolehiyo. Hindi naging madali ang buhay sa unibersidad. May mga gabing ang tanging kasama ko ay ang antok na pilit nilalabanan at ang malamig na simoy ng gabi habang nag-aaral sa ilalim ng iisang bumbilya. May mga sandaling ang laman ng aking bulsa ay sapat lamang para sa pamasahe, at kailangang tiisin ang gutom mula umaga hanggang hapon. Sa tuwing pakiramdam ko ay bibigay na ang aking katawan, binubuksan ko ang aking isipan at tinitingnan ang batang ako. Ang batang namumulot ng papel sa basurahan.

“Hindi ko siya pwedeng biguin,” bulong ko.

Mayo 2025, nakatayo ako sa gitna ng entablado, suot ang aking toga, hawak ko ang diplomang may nakasulat na: Cum Laude, BSEd major in English. Ngunit sa gitna ng masigabong palakpakan, may kirot sa aking puso. Ilang buwan bago ang araw na iyon, na-stroke ang aking ina. Ang babaeng unang nangarap para sa akin, ang babaeng nagkuskos ng aking uniporme hanggang sa mamuti, ay hindi ko na-akay paakyat sa entablado upang isabit ang aking medalya.

Sa halip na isang masayang yakap, ang nakita ko sa kanyang mga mata ay ang pagsisikap niyang makapagsalita kahit paralisado. Isang luha ang pumatak mula sa kanyang mga mata. Luha ng saya, panghihinayang, at pagmamalaki.

“Sapat na ba ang diplomang ito para pawiin ang lahat ng hirap na dinanas ni ina?” tanong ko
habang mahigpit na hawak ang kanyang kamay.

Sa gitna ng bagyong ito, muling naging sandigan ang 4Ps, na nagsilbing katuwang ng aking ama upang maitaguyod ang aming pamilya at ang gamot ni Ina habang ako ay bumabangon mula sa bigat ng emosyon.

Hindi natatapos ang kuwento sa diploma o sa medalya. Noong Disyembre 2025, ang munting sobre ng aking kabataan ay tuluyan nang nabuksan. Lumabas ang resulta ng Licensure Examination for Teachers, at isa ako sa mga mapalad na pumasa. Sa wakas, ang salitang “Guro” ay hindi na lamang gupit na papel mula sa magasin; ito na ang aking titulo, ang aking buhay, at ang aking misyon.

Ngayon, sa bawat pagpasok ko sa PHINMA Rizal College of Laguna bilang isang college instructor, dala ko ang aking buong karanasan. Kapag tumitingin ako sa aking mga estudyante, nakikita ko rin ang mga sariling “sobre” nila. Mga pangarap na nakatago sa likod ng pagod na mga mata, mga takot na baka hindi makatapos, at mga laban na tinitiis nila araw-araw na hindi nakikita ng mundong mapanghusga.

Ang tagumpay ko ay hindi lamang produkto ng aking pagtitiyaga. Ito ay bunga ng isang pamilyang hindi marunong bumitaw at ng 4Ps na naniwalang ang mga tulad naming nasa laylayan ay karapat-dapat bigyan ng pagkakataong lumipad. Ang bawat sentimo ng tulong ay naging puhunan para sa isang lisensyadong propesyonal na ngayon ay naglilingkod sa bayan.

Sa iyo na nagbabasa nito, huwag mong bitawan ang sobreng hawak mo ngayon. Maaaring luma na ito, maaaring punit-punit na sa dami ng pagsubok, o maaaring puno ng pag-aalinlangan. Ngunit maniwala ka, sa loob niyan ay nakatago ang susi sa iyong kinabukasan. Ang bawat gupit na pangarap ay kayang maging reyalidad kung sasamahan ng pananalig at tibay ng loob.

Bumalik ako sa sulok ng aming bahay kagabi. Wala na ang gasera ngunit may maayos na kaming ilaw. Wala na rin ang munting sobre sa aking mga kamay dahil ang mga larawan sa loob nito ay nasa harap ko na ngayon. Ito ang nagpapaalala sa akin na ang bata na dati ay namumulot lang ng papel sa basurahan, ngayon ay sumusulat na ng sariling kasaysayan para sa bawat batang may hawak na munting sobre.
Dahil sa huli, ang pinakamagandang pangarap ay iyong pangarap na nagiging daan upang mangarap din ang iba. Ang aking sobre ay bukas na, at handa na akong tulungan ang iba na buksan din ang sa kanila.

[Story submitted by Diana Rose Capiroso, a former 4Ps beneficiary from Brgy. Lingga, Calamba City, Laguna, for her participation to the DSWD Field Office IV-A’s Story Writing Workshop 2026]