December 2, 2025 – Habang ang iba ay natutulog pa, ako nama’y abala sa pag-iipon ng tubig sa timba sabay ang paghigop ng mainit na kape sa tasa.
Matapos ang aking paghahanda, mabilis kong kinuha ang aking bag at binaybay ang riles ng tren patungo sa esk’welahan.
“Magandang araw,” ang aking bungad pagkapasok ko sa aming silid-aralan.
Tahimik man ang limang mag-aaral, nakikita ko na may halong kaba ang kanilang mga mata. Ako man, bagamat ramdam ko ang saya sa aking magiging bagong karanasan, ay may kaba ring nararamdaman.
Bilang isang estudyante, hindi ako sigurado kung ano talaga ang aking magagawa bilang isang tutor upang ang limang mag-aaral ay mapatuto sa loob ng dalawampung araw.

Ang aking mag-aaral ay sina Hans na nahihirapang magpantig ng mga salita, si Rei na hirap makakilala ng letra, si Roy na may kahinaan ang pandinig, at si Zy na mahilig iguhit ang kanyang paboritong laruan.
Si Jay naman, ang ikalimang mag-aaral sa aking klase ay laging namang balisa, nakatungo, at bakas sa kanyang maamong mukha ang pag-aalala.
“Jay, basahin mo nga ang nasa pahina tatlo,” mahinahon kong sinabi sa kanya.
Bagamat may pag-aalinlangan, binuklat ni Jay ang kanyang aklat sa pahinang aking binanggit. Tumingin si Jay sa akin at pagkatapos ng ilang sandaling titigan, tila nauulinigan ko sa kanyang mga mata ang katagang – Ma’am hindi ko po iyan kaya.
“Mga bata, marahil nais ni Jay na may mauna munang magbasa bago siya,” aking naging tugon sa naging sitwasyon ni Jay–ang walang kibong pagkakaupo sa kanyang silya.
K’wento ng kanyang mga kapwa mag-aaral, si Jay ay labis na natakot noong minsan siya’y napatayo sa klase dahil hindi siya nakabasa nang maayos. Ang karanasang iyon ang tila nagdulot ng pagiging mahiyain at balisa niya sa pagbabasa.
Upang mas lalo kong maintindihan ang kalagayan ni Jay, madalas ko siyang kinakausap ukol sa ibat-ibang bagay kasama na rin ang kanyang araw-araw na ginagawa bago pumasok sa esk’welahan. Isang beses, nagtanong ako sa kanya tungkol sa pagbabasa.
“Jay, bakit tila ayaw mong makipagsabayan sa iyong mga kaklaseng magbasa?” tanong ko sa kanya.
Bagamat hindi ko kinagulat ang hindi pagtugon ni Jay sa aking katanungan, buong loob ko namang ipinayo sa kanya na hindi niya kailangang matakot dahil nararamdaman ko na kaya niyang magbasa katulad ng iba niyang kaklase.
Sa mga sumunod na sesyon, bilang panimula, aking pinagtatala ang mga mag-aaral ng tatlong salita na natandaan nila sa aming nakaraang aralin. Pinababasa ko ang mga salitang ito sa kanilang kapareha.
Unti-unti, nakikita ko ang pagtaas ng tiwala ng bawat mag-aaral sa kanilang sarili sa pagbabasa, lalo na ang pagbalik ng tiwala ni Jay sa kanyang sarili.
“Sino kaya sa inyo ang makakapagbasa ng aking mga salitang itinala,” masayang tanong ko sa aking mga mag-aaral.
Tulad ng dati, nag-uunahang magtaas ng kamay ang mga mag-aaral. Ngunit, sa unang pagkakataon, nakita ko si Jay na buong tapang na itinaas ang kanyang kanang kamay.
“A..ma , a…sa , a…pa,” sambit ni Jay.
Ang payak na mga salitang iyon ay naging musika sa aking pandinig. Ang dati’y tahimik at balisang bata ay ngayo’y aktibong nakikilahok sa pagbasa. Ang dati’y nakayuko, ngayon ay taas-noo na sa pagbabasa.
“Mga bata, palakpakan natin si Jay,” masaya kong sambit.
Habang ako’y nakatingin kay Jay naramdaman ko ang pagguhit ng abot-taingang ngiti sa aking mukha. Kitang-kita rin ang labis na pagkasaya ni Jay sa kanyang ginawa. Bigla kong naisip na malayo na siya kumpara noong siya ay aking unang nakilala.
Dahil dito, naramdaman ko ang pagkakaroon ng kabuluhan ng aking pagtitiyaga.
Sa pagtatapos ng tutoring sessions, ang dating pikit-mata na gumigising nang maagap at naglalakad sa riles ng tren habang tinatanong ang sarili kung kaya pa, ngayo’y mas naging determinado na. Ang pikit-mata na laging nag-aalinlangan sa araw-araw na pagpasok sa esk’wela bilang isang tutor, ngayo’y may baon ng pag-asa at k’wento ng mga batang minsang takot bumasa ngunit ngayo’y may tapang at tiwala na.
Dahil sa mga karanasan kong ito, natutunan kong ang pagiging guro ay hindi lang tungkol sa pagtuturo ng letra at salita. Ito ay tungkol sa pag-unawa sa damdamin ng bawat bata, sa pagkilala sa kanilang pinagdaraanan, at paniniwala sa kanilang kakayahan.
Alam ko sa aking sarili, na bilang isang tutor, nabuksan ang isang magandang oportunidad sa aking mga mag-aaral dulot ng kanilang pagkatuto ng pagbabasa. Dahil dito, alam ko rin na malaki ang pagkakataon nilang magkaroon ng mas malawak na kaalaman at mas magandang kinabukasan.
****
Rose Ann C. Salamero, 23, is a Bachelor of Elementary Education graduating student of the Polytechnic University of the Philippines Mulanay Campus. From May to June 2025, she was engaged as a tutor under the DSWD’s Tara Basa! Tutoring Program and was assigned to teach five pupils in Mayao Crossing Elementary School in Lucena City.
Her story “Pikit-Mata” is her output from her participation in the Story Writing Workshop facilitated by the DSWD Field Office IV-A last October 28-31, 2025.
NOTE: Salamero has given consent to the DSWD Field Office IV-A for the publishing of this story. All situations and opinions in the story are based on Salamero’s personal experiences throughout her engagement with the Tara Basa! Tutoring Program of the DSWD (except for the names of the children, which are changed to protect their privacy).
